Pages

Thursday, April 22, 2010

Baha sa Naujan“...Man-made calamity..”


Enero 17-18, 2010. Sinalasa ng baha ang bayan ng Naujan na nagpalubog ng 46 barangay, puminsala ng Php 18 Milyong halaga sa agrikutura at imprastraktura at kumitil ng 2 buhay. Ang sunud-sunod na pagbaha sa Naujan ay nagsimula nang maitayo ang gabion noong taon 2006.


Man-made calamity…” Ito ang sabi ni Mayor Romar G. Marcos sa isinagawang Press Conference sa kanyang tanggapan nitong buwan ng Enero. Tinukoy na dahilan ng Punumbayan ang pagtayo ng gabion noong 2006 sa Barangay San Andres, mahigit isang taon bago pa siya nahalal bilang punumbayan ng Naujan.


Binanggit din ng Punumbayan na ang orihinal na kasunduan ng tatlong (3) ahensiya ng gobyerno: ang Pamahalaang Bayan ng Naujan; Pamahalaang Panlalawigan ng Silangang Mindoro at DPWH, ay dalawang (2) metro lamang ang taas ng itatayong gabion. Ang dalawang (2) metrong taas nito diumano ay sapat na upang ang tubig-baha na galing sa mga ilog ng Ibolo at Aglubang ay mapaghatian ng Bucayao at Panggalaan River na papuntang Calapan City at
Mag-asawang Tubig River na patungong Naujan. Subalit noong ito ay naitayo, naging tatlong metro na ang taas.Dagdag pa ng Punumbayan na pagkatapos na mayari ang proyekto, dumanas na ng sunud-sunod na pagbaha ang bayan ng Naujan.


Ang tamang hatian ng tubig-baha sa tatlong ilog ayon sa nakalap na impormasyon ni Mayor Marcos ay naitaya sa: Bucayao River– 50%; Panggalaan River-30%; Mag-asawang Tubig-20%. Ngunit, sa ginawang pagtayo ng proyektong gabion, ang kabuuang 80% ng tubig-baha ay ipinasa lahat sa Mag-asawang tubig.


Matatandaang bago pa sumapit ang Pasko noong 2006, dumanas na ng paglubog ang kahabaan ng highway sa Barangay Santiago; simula sa may Motorpool hanggang Dulong-Bayan. Unang nangyari ito noong dekada 90 na siyang pinakamalaking bahang naganap sa Silangang Mindoro. Nguni’t, may mga nagpatotoo na mas malaking baha ang nangyari sa Naujan nitong Enero 17-18 taong kasalukuyan.

Sang-ayon sa natanggap na ulat, nagsalita si Gob. Arnan Panaligan na huwag diumanong isisi sa Provincial Government ang nasabing kalamidad dahil ito diumano ay isang natural flooding. Ito naman ay pinabulaaanan ni Mayor Marcos na kung ito ay natural flooding, hindi lamang Naujan ang binabaha. Dagdag pa niya na sa tagal na ng panahon, isang beses lamang siya nakaranas ng baha sa Naujan (tumutukoy sa 1993 flooding incident). Ito ay naulit lamang noong 2006 nang maitayo ang gabion at nagsunud-sunod na.


Bilang tugon sa katanungan ng press sinabi ni Mayor Marcos na hindi na siya humingi ng tulong sa provincial government. Noon pang 2007 sinimulang maglahad ang Punumbayan ng kanyang damdamin tungkol sa problema ng baha, pero aniya, ito ay binalewala lamang. Kaya’t siya ay nakapag-desisyon na umapila na lamang sa national government na siyang pinanggalingan ng pondo ng proyektong gabion. Patunay nito ang DPWH bilang implementing agency. Pero, dagdag pa ng Punumbayan na ito naman diumano ay hindi maisasagawa kung walang pahintulot ang provincial government.


“Dapat isinangguni muna nila sa aming mga mamamayan at hindi lamang basta ginawa ang proyektong gabion.” Sabi ni Mayor Marcos sa nasabing press conference. “Layunin namin ang mapaunlad ang aming bayan. Pero papaano mangyayari ito kung lagi na lamang kaming sinasalasa ng kalamidad”, dagdag ng alkalde na may pagtataas ng boses. Inulit rin niya sa mga kawani ng munisipyo ng Naujan na ang naturang kalamidad ay hindi maituring na natural, kundi ay man-made calamity.

Sobra-sobra na diumano ang pighati na natatanggap ng kanyang mga kababayan. Sinabi rin niya na sumulat na siya kay Pangulong Arroyo na may mga siping pinadala sa mga kinauukulang tanggapan, kasama na ang tanggapan nina Gob. Panaligan at Cong. RGV, dahil dapat na diumanong makialam ang pamahalaang nasyunal sa usaping ito. ESL

No comments:

Post a Comment

Nais mong magkomento?