Pages

Thursday, April 22, 2010

PANUNUNGKULANG LOKAL LOHIKA AT TAONG BAYAN

May bagyo man o wala, ang pagbaha sa mga barangay ng Naujan ay palagian nang pangyayari tuwing may malakas na ulan. Sa katunayan, simula taong 2006 (taon kung kailan itinayo ang Gabion dike upang “ibaling” ang natural na takbo ng ilog patungo sa Naujan hanggang sa kasalukuyan, ang pamahalaang bayan ng Naujan ay nakapagdeklara ng pitong (7) State of Calamity.

Hindi nagpabaya ang kasalukuyang punumbayan ng Naujan, Mayor Romar G. Marcos, sa nakakaalarmang sitwasyon ng pagbaha. Simula pa lang ng kanyang panunungkulan, inorganisa na niya ang Municipal Disaster Coordinating Council (MDCC) na naglalayong magpatupad ng kahandaan sa mga kalamidad at masusing pag-aralan ang mga dahilan ng kalamidad partikular na ang pagbaha. Kaya nga, isa sa mga rekomendasyon ng MDCC sa DPWH, partikular kay District Engineer Simplicio D. Gonzales ang masusingpag-aralan ang dahilan ng paulit-ulit na pagbaha sa maraming mga barangay ng Naujan. Subalit, nananatiling bingi ang kasalukuyang Pamahalaang Panlalawigan sa nasabing rekomendasyon.

Dahil dito, nagpadala ng ilang mungkahi si Mayor Marcos sa Pamahalaang Nasyunal ng Pilipinas kaugnay ng hindi matapos tapos na problema sa pagbaha sa bayan Naujan. Una, ang muling pagtatanim ng puno sa nakakalbong kagubatan ng Mt. Ibulo at Mt. Bato na ihinahain sa DENR; pangalawa, dredging at desilting o muling pagbubungkal at pagpapalalim ng mga ilog ng Mag-asawang Tubig, Bucayao, at Panggalaan para naman sa DPWH; at pangatlo, pagwasak sa Gabion dike mula sa kasalukuyang sukat na tatlong (3) metro patungo sa suhestyong dalawang (2) metrong taas upang paghati-hatian ang tubig-ulan na nanggagaling sa kabundukan patungo sa mga ilog ng Mag-asawang Tubig, Bucayao, at Panggalaan na gagampanan rin ng DPWH.

Hanggang sa kasalukuyan, libu-libong pamilya ang nawawalan ng maayos na tirahan. Milyun-milyon ang halaga ng napipinsala sa agrikultura, imprastraktura, kabuhayan, at marami pang iba. Simple lamang ang lohika. Kaunting pagbalik lamang noong mga taong wala pa ang naturang gabion at malalaman na natin ang sanhi ng pagbabaha. Hindi dapat magsakripisyo ang bayan ng Naujan para lamang sa ikagiginhawa at ikagagaling ng ibang bayan. Sabi nga ng Santo Papa Juan Paulo II, “ang buhay ay kailangang protektahan simula sa sinapupunan hanggang sa oras ng kanyang natural na kamatayan.”

Ang bayan ng Naujan ay nangangalaga sa kapakanan at kagalingan ng buhay ng taong bayan. Ang bayan ng Naujan ay hindi pumapayag kailanman na masakripisyo ang buhay at kabuhayan ng mga Naujeño para lamang sa kaalwanan ng ibang bayan. (Emmanuel C. De leon)

No comments:

Post a Comment

Nais mong magkomento?