Pages

Showing posts with label Wika ng Punumbayan. Show all posts
Showing posts with label Wika ng Punumbayan. Show all posts

Wednesday, December 4, 2013

Paglilingkod sa Bayan Ipagdiwang

Ni: Mayor Mark N. Marcos
Ipagdiwang natin ang buhay! Ipagdiwang natin ang paglilingkod sa taumbayan!
Ang paglilingkod ay hindi lamang bahagi ng buhay, ang paglilingkod ay mismong kabuuan ng buhay. Wika nga ni Mother Theresa, “A life that is not lived for others is not worth-living.”
Nitong mga buwan ng Setyembre at Oktubre, tayo ay nagdiwang ng iba’t ibang aspeto ng serbisyo-publiko; mga gawain na bahagi na ng buhay, hindi lamang ng mga lingkod ng bayan kundi ng buong pamayanan ng Naujan. Ang mga ito’y pakikibahagi na rin natin sa mga programang nasyunal, hindi bilang pagsunod sa mga itinakdang requirements, kundi bilang mga Pilipino na nakikiisa sa pagsunod sa mga umiiral na batas at mga gawaing  nagtataguyod ng kapakanan ng taumbayan.
Sa pagpasok ng buwan ng Setyembre, nakibahagi ang lokal na pamahalaan sa  pagdiriwang ng Pistang Bayan. Ito ay tradisyon na ng pamayanang Naujeňo na minana natin sa pamahalaang lokal noong kapanahunan ng mga Kastila. Ipinakikita ng pagdiriwang na ito ang mayaman nating kultura at kung saan ito nagmula. Relihiyoso man ang naturang gawain, malaki ang naging epekto nito sa programang panturismo ng ating bayan.
Bahagi ng nasabing gawain ang pagdiriwang ng National Year of Rice (NYR) 2013. Bilang Rice Granary of Oriental Mindoro nararapat lamang na pangunahan natin ang lahat ng suporta sa programang ito sa ating lalawigan. Gagawin natin ito bilang ulirang mga producer at consumer ng palay/bigas. Magtanim po tayo ng mga binhing itinataguyod ng Kagawaran ng Pagsasaka upang tumaas ang ani. Magsaing at kumain lamang tayo ng sapat upang maiwasang makapag-aksaya ng kanin. Kahit papaano, hindi man kalakihan ang bayan natin na kung tutularan lamang ng ibang pamahalaang   lokal ng buong bansa, malaki na rin ang magagawa para mabawasan ang national importation ng bigas para sa 2014. Ito’y isang pagkakataon upang makapaglingkod sa bayan kahit na hindi kawani ng gobyerno.
Bilang Punong Ehekutibo ng lokal na ahensiya ng gobyerno, nakakataba ng puso ang tema ng ika-113 Anibersaryo ng Philippine Civil Service na “Tatak Lingkod Bayani, Isabuhay, Ipagmalaki at Ipagbunyi”. Tayo ay nakiisa sa Civil Service Month Celebration noong buwan ng Setyembre. Sa ngayon ay pinag-aaralan natin ang implementasyon ng merit system para sa mga kawani ng munisipyo upang maitaguyod ang matuwid at mahusay na paglilingkod sa bayan. Gagawin natin ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga parangal at gantimpala sa mga matatapat na empleyado.
Bilang bahagi ng development ng mga kawani, ipinagdiriwang natin ang Employees’ Day sa buwan ng Oktubre. Ito’y pagkakataon upang ma-refresh ang mga lingkod ng bayan at magkaroon ng panahon na makisalamuha sa bawat isa para sa tunay na kahulugan ng camaraderie. Kinakailangan din ito upang sila’y lalo pang maging epektibo at episyente sa kani-kanilang ginagampanang mga tungkulin. Ang mga kawani ng munisipyo ang workhorse ng ating pamahalaang lokal tungo sa ikauunlad ng ating bayang Naujan.
Hindi man nakakapagpayaman ang paglilingkod sa bayan dahil hindi naman kalakihan ang tinatanggap na sweldo ng mga empleyado, dapat itong ipagdiwang lalung-lalo na ng mga kawani dahil kahit minsan sa buhay ng isang empleyado ng gobyerno, ang bawat isa sa atin ay tinawag na “Lingkod-bayan”.

Wednesday, September 4, 2013

Pusong Ama ng Bayan, Hangad ay Pagkakaisa


Atty. MARK N. MARCOS
Municipal Mayor


Ipinaaabot ko po sa Poong Maykapal at sa aking mga kababayang Naujeňo ang aking taus-pusong pasasalamat sa pagluklok ninyo sa akin sa awtoridad ng serbisyo-publiko.

Naalala ko ang mga pangakong aking binitiwan noong panahon ng kampanyahan. Nasambit kong kayo ay paglilingluran nang buong lakas, puso at isip, kung kaya’t ako ay inyong hinirang upang mamuno sa pagkamit natin ng mga bagay na magbibigay solusyon sa ating mga suliranin.

Ngayong ako ay nailuklok na, sisikapin kong tupdin ang aking mga ipinangako. Sang-ayon sa aking kakayanan, sa tulong ng mga tanggapan ng Pamahalaang Bayan ng Naujan at sa suporta ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Henry Joel C. Teves, pangungunahan ko kayong makamit ang inaasam nating kaunlaran. Ang mga pangakong ito ay inilahad ko bilang aking  Executive Agenda na kilala sa acronym na GO HEARTS. Una ko itong inihain sa publiko noong unang sesyon ng Sangguniang Bayan.  Kinumpirma ko ito nang muli kong inilahad sa unang pagtitipon ng Naujan Municipal Development Council (MDC). Ngayon, ito ay inuulit ko sa pahayagang ito upang malaman ng bawat mamamayan ng Naujan ang mga salitang aking sinambit para sa kapakanan ng taumbayan.

Malaki man ang puso ng inyong lingkod upang tanggapin ang lahat ng mga karaingan ng taumbayan, kung hindi naman sasamahan ng suporta at kooperasyon ng pamayanang Naujeňo, ito ay mananatiling nag-iisang puso lamang. Hindi maaring isang puso lamang ang darama ng suliranin ng bayan dahil tayong lahat ang apektado nito. Ang Munisipyo natin ay hindi lamang ang inyong lingkod; ang Pamahalaang Bayan ay tayong lahat. Kapag pinagsama-sama nating lahat ang ating mga puso upang magkaisa tungo sa isang layunin para sa kapakanan ng bayan, abot-kamay na natin ang kaunlaran. Ito ay dahil ang HEARTS mismo ang pipintig at magbibigay-buhay sa patuloy na pagsulong ng Bayan ng Naujan. Kung magkagayon, tayong mga mamamayan ang magsasabing “let us go now, go, GO, GO towards progress.” Ginawa natin ito noong nakaraang halalan kaya at nararapat lamang na ipagpatuloy natin ang  nasimulan, let’s GO HEARTS.

Nauunawaan kong hindi lahat ng mga pulitiko ay may katulad kong pananaw sa pamamahala. Sila ay iginagalang ko at mahal ko rin bilang bahagi ng pamilya ng bayang Naujan. Hindi natin sila pipiliting magbago ng pananaw dahil para rin naman sa ikauunlad ng bayan ang kanilang tunguhin. Binibigyan din natin sila ng mga karapatan katulad ng sariling mga kaalyado. Bahagi sila ng hating-kapatid ng mga badyet pangkaunlaran. Bilang ama ng bayan ng Naujan, hangad kong makitang nagkakaisa ang buong pamilya, anumang kulay, pula, berde at dilaw tungo sa hinahangad nating kaunlaran ng bayan.

Ikinagagalak kong ang mahal na Pangalawang Punumbayan Henry Joel C. Teves ay hindi lamang nakikiisa tungo sa kaunlaran ng bayan, ipinahayag din niyang tayo ay sasamahan hanggang wakas, alang-alang sa ganap na ikauunlad ng bayan ng Naujan. Dahil nakita niyang bahagi na ng aking pagkatao ang katarungan at katuwiran na siyang aking itinaguyod sa dati kong propesyon. Ito rin ang paiiralin kong pamantayan sa aking administrasyon. Maaasahan ninyong mangyayari ito hangga’t ako ay naririto.

Sama-sama tayo hanggang sa wakas.