Pages

Showing posts with label News. Show all posts
Showing posts with label News. Show all posts

Wednesday, September 4, 2013

Executive Agenda, Kasado sa Unang Linggo

Agarang inilunsad ng  administrasyon ni Mayor Mark “Makoy” N. Marcos sa unang linggong pag-upo ang Executive Agenda ng kanyang liderato sa harapan ng Sangguniang Bayan (SB) sa kanilang unang session noong Hulyo 5, 2013 sa SB Session Hall. Ito ay sa pamamagitan ng talumpating ibinigay niya batay sa GO HEARTS governance platform.
 
Unang inilahad ng kauupong Punumbayan Mark N. Marcos ang agenda ng kanyang pamumuno sa harapan ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ng Pangalawang Punumbayan Henry Joel C. Teves sa kaunaunahang sesyon simula nang manumpa ang mga elective officials sa tungkulin.

Ang laman ng naturang talumpati ay muling ibinigay ng Punong Ehekutibo sa First Full Council Meeting of Municipal Development Council noong Hulyo 11, 2013 sa Bahay Tuklasan. Ito ay nasaksihan ng mga opisyales ng 70 barangay ng Naujan, mga kinatawan ng iba’t ibang sangay ng sektor ng komunidad, mga opisyales at piling kawani ng Pamahalaang Bayan ng Naujan.

Walang inalis ang Punumbayan sa kanyang unang talumapati; tanda ng kanyang kaseryosohan sa mga pangakong nakasaad dito.

Ang GO HEARTS Executive Agenda ay silbing social contract ni Mayor Makoy sa pamayanang Naujeňo. Ito ay commitment ng Punumbayan sa mga mamamayan ng  Naujan na kanyang itataguyod ang mga programang maghahatid ng kaunlaran at mag-aangat sa kanila mula sa kahirapan. (ESL)







Tuesday, September 3, 2013

Bagong Liderato, Abala sa mga Plano

Simula nang maupo ang mga bagong halal noong Hulyo 1, 2013, abalang-abala ang administrasyon ni Mayor Makoy Marcos sa pagpaplano para sa ipatutupad na mga programa sa taung 2014. Ang sukdulan ng mga plano kaugnay ng aaprubahang  badyet sa 2014 ay ang Annual Investment Plan (AIP) finalization noong Agosto 21-23, 2013 na ginanap sa Puerto Galera at nilahukan ng mga kasapi ng    Naujan Municipal Development Council (MDC).
 
Si Vice Mayor Henry Joel C. Teves (kaliwa) habang ibinibigay ang mensahe sa Municipal Development Council (MDC). Ang MDC  ang siyang nagba-validate ng mga plano upang maisama sa Annual Investment Plan (AIP) 2014.

“We are barely two (2) weeks!” Ito ang sabi ni G. Angel M. Navarro, Pambayang Tagapamahala tuwing may nagmumungkahi kaugnay sa lokal na pamamahala.  Ito ay pagsasabi na abala rin ang kasalukuyang administrasyon sa mga plano ng lumipas na liderato para sa kanilang patuloy na pagpapatupad.

Ang mga gawaing pagpaplano ay naaayon sa lagay ng lokal na                      pagpaplano sa Pilipinas, at ito ay hindi lamang isang uri. Katulad ng plano ng paggawa ng gusali na may bukod na plano para sa bawat aspeto kagaya ng architectural, structural, civil, electrical, atbp., ang pagpaplano para sa lokal na pamahalaan ay mayroon ding maraming nakapaloob na mga plano. Ang mga ito ay ayon sa sumusunod:

Local Poverty Reduction  Action Plan
Peace and Order and Public Safety Plan
Gender and Development (GAD)Plan
Ecological Solid Waste Management Plan
Tourism Plan
Agricultural Development Plan
Local Development Investment Plan (LDIP)
Annual Investment Plan (AIP)
Disaster Risk Reduction  Management (DRRM) Plan
Revenue Generation Plan
Nutrition Action Plan
Economic Development Plan
Infrastructure Development Plan
Capacity Development Agenda (CapDev)
Executive-Legislative Agenda (ELA)
Human Resource Management Development (HRMD) Plan
Climate Change Adaptation Plan
Comprehensive Land Use Plan (CLUP)
Comprehensive Development Plan (CDP)

Madaling lumapit sa munisipyo upang magdulog ng mga suliraning             nangangailangan ng solusyon. Ngunit kapag ang nasabing problema ay hindi nakapaloob sa plano, ito ay maaring hindi agarang maaksyunan. Ito ay idudulog muna sa isang kinauukulang tanggapan para sa ebalwasyon at nang maisama sa Supplemental Investment Plan. Ang huli ay plano para sa mga pagkakagastusan na hindi naisama sa mga naunang regular na mga plano. (ESL)



Marcos-Teves Union, Pagkakaisang Alay sa Bayan

Pormal na inihayag ni Mayor Mark N. Marcos ang tambalang Marcos-Teves para sa Bayan ng Naujan sa ikalawang araw ng LDIP 2014-2016 at AIP 2014 Finalization na ginanap sa Hollywood Beach Resort noong Agosto 22, 2013.
 
Para sa ikauunlad ng Bayan ng Naujan, permanenteng nagsanib-pwersa si Mayor Marcos (kanan)-LP at Vice Mayor Teves (kaliwa)-NP. Ipinangako ng dalawa na gagawin nila ito maging sa 2016.

 
Saksi sa kaganapang ito, ang apatnapu’t-apat (44) na Punong Barangay, Department Heads at Unit/Section Heads ng Pamahalaang Bayan ng Naujan.

 "Sa umagang ito nais ko pong ipaalam sa inyo na ang amin pong samahan ng ating Sangguniang Bayan partikular na ang ating Pangalawang Punumbayan pamula pa noon hanggang ngayon ay tumitibay at napagkasunduan namin na ang pagsasamang ito ay aming patagalin at gawing permanente para sa Bayan ng Naujan” wika ni Mayor Marcos. Ito naman ay kinumpirma ng Pangalawang Punumbayan Henry Joel C. Teves ng kanyang sabihin... “tulad po ng sinabi ni Mayor para po sa ikauunlad ng ating Bayan sana po ay magsama-sama tayo, tama na po muna ang pulitika, kulay dilaw, green at red. Sama- sama na po tayo sa 2016.”

Ayon sa Punumbayan magkasama silang hahabi para sa katagumpayan, kaunlaran at kaayusan ng bayan ng Naujan. Dagdag pa niya, “pag-iigihin po namin ni Vice ang pagtatrabaho para po sa inyo.”

Labis na ikinatuwa ng maraming kapitan at opisyales ng munisipyo ang pagsanib- pwersa ng dalawang dating magkahiwalay ng partido, tanda ng magandang relasyon ng ehekutibo at lehislatibong mga sangay ng pamahalaang bayan sa nalalabing mga panahon hanggang 2016. (JFD)



PCI NEIL APOSTOL BAGONG HEPE NG KAPULISAN

Itinalaga ni Mayor Mark N. Marcos si Police Chief Inspector Neil Ronquillo Apostol
PCI Neil R Apostol, Chief of Police, Naujan, 
Oriental Mindoro
bilang bagong Hepe ng PNP Naujan Station noong ika-1 ng Agosto 2013.

Bago siya na-assign sa sarili niyang bayan, siya ay naglingkod sa iba’t-ibang       bayan ng Silangang Mindoro tulad ng 411 Provincial Mobile Group na nakabase sa Bongabong na sumasakop sa dulong hilaga ng Silangang Mindoro tulad ng Bansud, Bongabong at ROMANBUL ( Roxas, Mansalay  at Bulalacao ). Naglingkod din siya bilang Hepe ng Kapulisan ng Bansud, Victoria, Gloria at Puerto Galera at nagsilbi rin sa iba’t-ibang lalawigan kagaya ng Romblon.

Nagtapos ng kursong B.S. Criminology sa Philippine College of Criminology; panglima sa anim na magkakapatid. Siya ay ipina- nganak sa Poblacion 1, Naujan Oriental Mindoro ng mag-asawang Eusebia Manalo Ronquillo at Rogelio Melgar Apostol noong ika-24 ng Marso 1971.

Noong Agosto 5, 2013 sa Flag Raising Ceremony, ibinigay niya ang kanyang talumpati sa harapan ng kawani ng Pamahalaang Bayan ng Naujan na nagsasabi:
“An engineer will not abandon his house, so that his project may be built; a lawyer will not let himself  to be jailed, so that his client may be set free; a doctor will not commit suicide so that his patient may  survive. But, Mamang Pulis will lay down his life, so that  others may live.”

Tampok din sa naturang aktibidad ang presentasyon ng tatlong opisyal at labingpitong kawani ng Pulisya sa ilalim ng Field Training Program (FTP) ng PNP. Ang mga ito ay sina PInsp Edwin A. Bautista, PInsp Chisi F.  Faderagao, PInsp Clarms C. Mutia, PO1 Alexander C. Abad, PO1 Neil Aldrin Z. Abis, PO1 Allan Rey  V. Alimane, PO1 Mark Anthony M. Anos, PO1 Rommel D. De Leon, PO1 Mark  Jay M. Dela Torre, PO1 Junnery P. Omagap, PO1 Honorato G. Gatpatan, PO1 Vernice P. Arzaga, PO1 Sulitta A. Bacosa, PO1 Mary Novie P. Ladica, PO1 Annalyn F. Macdon, PO1 Jeanne M. Osacdin, PO1 Kristine Kaser A.   Osorio, PO1 Reothel A. Paderan, PO1 Concepcion T. Sabuya at PO1 Lolica M. De la Serna.  (Gemma Ricafrente/Mario Martinez)



Naujan COMELEC Registrants Lumasap ng 11th Hour

Tila parusa ang dinanas ng mga nagpaparehistro sa COMELEC noong Hulyo 22-31, 2013 sa munisipyo na karamihan ay mga kabataang may edad na 15-17 taong gulang.

11th  hour COMELEC registrants sa Naujan na nakababad sa init ng araw.

Dahil hindi makaabot sa opisina ng COMELEC bago pa ito magsara dulot ng haba ng pila, ang iba ay alas dos (2:00 am) pa lamang ng madaling araw, pumipila na. Ang iba ay hindi na umuuwi at sa plaza na lamang natutulog .

Dahil sa sobrang dami ng nagpaparehistro sa municipal hall, hindi na pinahintulutan ang ibang umakyat dahil sa panganib na maaring bumagsak ang gusali. Kaya’t ang pila ay umabot hanggang sa kahabaan ng kalsada na nakabilad sa araw.

Ito ay resulta ng hindi maagang pagpaparehistro na  hinihintay pang sumabay sa nakararami. Samanatalang ang COMELEC ay bukas  Lunes-Biyernes, 8:00am-5:00pm upang magparehistro ng maaga at makaiwas sa ganitong sitwasyon. ESL



LAKBAY-ARAL SA LIVELIHOOD DINALUHAN NG MGA OPISYALES SA BARANGAY

Malugod na dinaluhan ng mga opisyales ng barangay at mga kawani ng Association of Barangay Captains (ABC) ang Lakbay-aral para sa Livelihood noong Hulyo 18-20, 2013 sa iba’t ibang sangay ng gobyerno. 

Ang ilang opiyales mula sa iba't ibang barangay ng Naujan sa isinagawang Lakbay-Aral sa International Training Center on Pig Husbandry ng Department of Agriculture (DA)-Agricultural Training Institute (ATI).
Ang pangkat na pinangunahan ni Kapitan Deogracias U. Dela Paz IV, ABC President ay nagpunta sa tatlong (3) tanggapan ng gobyerno para sa mga gawaing karamihan ay oryentasyon kaugnay sa pangkabuhayan na aplikasyon ng mga ito. Naglalayon ang naturang gawain para sa dagdag na kaalaman na maaring maibahagi ng partisipants sa kani-kanilang mga barangay.

Unang araw ay nagpunta ang grupo sa International Training Center on Pig Husbandry sa Marawoy, Lipa City, ang nasabing ahensiya na sakop ng Department of Agriculture (DA)-Agricultural Training Institute (ATI) ay bukod-tanging training center ng pig husbandry  sa Asya. Nasaksihan nila rito ang mga technique sa pag-aalaga ng baboy.


Tampok sa naturang pagdalaw ang holistic approach sa paghahayupan at paghahalaman.  Nakita rin nila ang iba pang mga alagang hayop tulad ng mga kambing at native na manok. Nasaksihan nila ang paggawa ng organic fertilizer sa pamamagitan ng Vermiculture gamit ang mga bulate. Mayroon ding tira sa biogas system na ginagamit sa panggatong sa kusina.Ang mga abono ay siyang gamit nilang mag-produce ng organic na mga gulay at prutas. 

Sa ikalawang  araw, sila ay pumuntang Philippine Rice Reseach and Institute (PhilRice) sa Philippine Central Experiment Station sa Muňoz City, Nueva Ecija. Ipinamalas sa kanila ang mga modernong teknolohiya sa pagpapalayan sa pamamagitan ng programang PALAYAMANAN. Itinuro sa kanila ang pagma-maximize ng kita gamit ang certified seeds . Ipinakita rin ang mga  farm power machineries na ginagamit sa pagtatanim, panggamas, harvester, mini-rice mill, irrigator, atbp.

Pagdaka’y pumunta silang Philippine Carabao Center. Ang ahensiyang sertipikado ng ISO 9001:2008 ay naglalayong maitaas ang kalidad ng pananaliksik at paglinang ng industriya sa    paghahayupan. Nagbibigay rin sila ng assistance sa mga kooperatiba para sa pag-aalaga ng kalabaw at pagtulong upang magkaroon ng sariling kalabaw ang sinumang interesado.

Kung maipatupad sa Naujan ang mga natutunan sa lakbay-aral na ito, tiyak na kaunlaran ang maiaambag nito. (ESL)

KAUNA-UNAHANG KARERAHAN NG KALABAW AT HAND TRACTOR ISINAGAWA SA SANTIAGO

Ang kalabaw at handtractor ay ginagamit sa bukid katuwang ng mga magsasaka sa kanilang paghahanapbuhay. Ngunit tulad ng mga tao na nagpapahinga kapag may espesyal na okasyon tulad ng piyesta, ang iilang kalabaw sa Barangay Santiago at mga traktora ay hindi lamang nagpahinga mula sa kanilang nakaugaliang mga gawain; sila’y kasali pa sa mga paligsahan at bumida sa karera ng mga kalabaw at handtractor.


Maaga pa lamang ay nakahanda na ang mga kalabaw at handtractor na sasabak sa karera kasama na ang mga hinete para magpatala. Naunang sinimulan ang karera ng handtractor na may apat (4) na kalahok. Ito’y sinundan ng karera ng limang (5) kalahok na mga kalabaw. Isang ikot sa oval ang tatakbuhin ng karera at paunahang makabalik sa  pinagmulan na siya na ring finish line. Kanya kanyang “manok” ang mga manonood na tuwang-tuwa sa mga eksena. Naging maganda pa rin ang labanan kahit na mayroong nahulog na hinete na hindi naman tumigil hanggang makarating sa finish line.


Sa huli ay tinanghal na kampeon si Delfin Mendoza para sa karera ng handtractor at si Dexter Lagrana naman sa karera ng mga kalabaw. Parehong nag-uwi ang dalawa ng tig-P2,800.00 mula kay Vice Mayor Henry Joel C. Teves. Ang iba ay tumanggap ng  consolation prizes. 
Naging matagumpay ang kauna-unahang karera. Ipinangako ni Vice Teves na taun-taon na itong gaganapin sa Barangay Santiago kaugnay ng pagdiriwang ng kapistahan ng barangay. (NTB)




Brgy Forest Program (BFP) Team Binuo

Sa tawag ng pangangailangang mapangalagaan ang inang kalikasan, si Mayor Mark “Makoy” N. Marcos ay naglabas ng Municipal Executive Order No. 13-016 noong Agosto 5, 2013 upang  bumuo ng Barangay Forest Program (BFP) Team. Ito ay pamumunuan ni Pablo Santos, OIC-CENRO at nilahukan bilang mga kasapi ng ilang piling opisyal ng Pamahalaang Bayan ng Naujan at ilang piling punong barangay.

Tungkulin ng BFP Team ang mag-identify, assess, survey, mapping at maghanda ng plano ng mga lugar na paglilinangan ng mga kalahok na mga barangay. Titiyakin nilang ito’y tatangkilikin ng munisipyo at pamahalaang barangay at isasama sa kanilang Comprehensive Development Plan. Gagawin din nila ang iba pang mga kinakailangang tungkulin para sa implementasyon ng Barangay Forest Program.

Ito ay alinsunod sa mandato ng Pangulo sa pamamagitan ng Executive Order No. 26 noong Pebrero 24, 2011 na dapat umanong magtulungan ang mga ahensiya ng pamahalaan, mga NGO, civil society organizations (CSOs), mga paaralan at pribadong sektor. Ito ay upang sila’y  gumawang may pagkakaisa para sa maayos na pagpapatupad ng pagtatanim ng 1.5 Bilyong seedling ng iba’t ibang puno sa 1.5 Milyong ektaryang lupang pampubliko simula 2011 hanggang 2016.

Ang nasabing mandato ay nag-oobliga sa mga pamahalaang lokal na mag-establisa ng mga nurseries upang mag-produce ng mga pananim at kagamitan bilang suporta sa National Greening Program. Kasama sa naturang mandato ang pagkakaroon ng communal tree farms para sa mga panggatong at iba pang kagamitang pambahay.

Alinsunod din ang nasabing dokumento sa Republic Act 10176 na kilala sa “Arbor Day of 2012” na nagbibigay mandato sa lahat nang able-bodied  citizens 12 taon pataas na magtanim ng isang puno taun-taon.

Ang Barangay Forest Program ay may pondo buhat sa DENR na nagkakahalaga ng P100,000.00 bawat kasaping barangay na mayroong similyang 10,000 seedlings pataas. Para sa plantation development, ang nasabing ahensiya ay magbibigay ng karagdagang P4,000.00 bawat ektarya batay sa approved work and financial plan. Maglalaan din ng counterpart na pondo ang pamahalaang lokal buhat sa 20% Development Fund at iba pang maaring mapagkukunan ng pondo. (ESL)