Pages

Thursday, December 12, 2013

Mayor Mark N. Marcos

Mayor Mark N. Marcos
Ika-28 na Punumbayan ng Naujan si Mayor Mark Navarro Marcos simula kay Presidente Municipal Carlos Basa (Enero 7, 1903-Marso 27, 1903).
Bilang pamangkin ng yumaong Mayor Romar G. Marcos (Hulyo 1, 2007-Hunyo 8, 2010) at apo ni Mayor Manuel R. Marcos (Marso 22, 1975-Marso 31, 1986), siya ang ikatlo sa angkan ng mga Marcos na pinagkatiwalaan ng pamayanang Naujeňo sa tungkulin ng Punumbayan.
Ipinanganak noong Hulyo 13, 1968 sa sambahayan ni Cromwell G. Marcos (yumao) at Vilma Navarro-Marcos sa Poblacion II ng bayang ito. Ikaapat sa limang magkakapatid.
May talinong taglay simula ng pagkabata. Parehong tinapos bilang valedictorian ang elementarya sa Jose L. Basa Memorial Elementary School (1981) at sekundarya sa Agustin Gutierrez Memorial Academy (1985). Napatunayan ang hinusay nang tapusin bilang Magna Cum Laude ang Bachelor of Arts Major in Political Science (AB PolSci) sa Manuel L. Quezon University (1989). Ipinagpatuloy ang pag-aaral sa naturang unibersidad at tinapos ang Bachelor of Laws taong 1993. Pagkalipas ng isang taon, siya ay isang ganap nang abogado.
Si Atty. Mark Marcos ay unang nagtrabaho sa pribadong sektor bilang Legal Staff Member ng dating Congressman Manuel Villar. Siya ay simulang naglingkod sa pamahalaan taong 1995            bilang Court Attorney ng Supreme Court hanggang sa siya ay  hiranging Presiding Judge (2005) sa Municipal Trial Court ng Roxas, Silangang Mindoro. Siya rin ay nagsilbing Acting Presiding Judge sa Municipal Circuit Trial Court ng Mansalay at Bulalacao.
Walang karanasan sa pulitika at hindi pulitikong tao si Judge Marcos ngunit dahil sa panawagan at panghihikayat ng taumbayan na nangangailangan ng tapat at mahusay na pamumuno, pinili niyang isantabi ang pagiging hukom upang paunlakan ang kahilingan ng kanyang sariling bayan. Pinatunayan ito ng sambayanang Naujeňo nang siya ay hirangin sa minsanang pagtakbo sa halalan bilang Punumbayan.
Pulitika man ang napasok ng dating hukom, ngunit hindi pamumulitika ang liderato ni Mayor Mark N. Marcos. Ang sigaw ng kanyang administrasyon ay KAUNLARAN, SERBISYO, PAGKAKAISA at KATAPATAN para sa bayan.
Para sa pagpapatuloy man ng programa ng kanyang tiyuhin ang kanyang plataporma de gobyerno, bahagi rin ng kanyang pamunuan ang pagpapatuloy ng mga nakasalang o nasimulan nang mga programa nang nakaraang administrasyon.

Kasalukuyang naninirahan ang ama ng bayan sa Poblacion III, kapiling ang kanyang may-bahay, Genevieve Geremia-Marcos at mga anak na sina Xavier  Cromwell, Jenica Alexis, Maxine at Marco Emmanuel.                              ESL

M.A. ANGEL M. NAVARRO

Angel M. Navarro
Municipal Administrator
Sino nga ba si ANGEL MIRANDA NAVARRO o “BOBI” sa mga taong lubos na nakakakilala sa kanya?
Si “Bobi” ay anak nina G. De Gaulle Aboboto Navarro at Elvie Miranda. Nagtapos siya ng elementarya sa Nag-iba Elementary School;  nag-aral siya ng high school sa Sacred Heart Academy sa Quezon City at nagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration major in Accounting noong 1985 sa University of the East. Nabiyayaan siya ng tatlong anak sa asawang si Mila Digno, sina Angel Ajerico, Alexis, at Monina.
Taong 1992 nang magsimula siyang magtrabaho sa Pamahalaang Bayan ng Naujan ng noo’y Punumbayan Nelson B. Melgar bilang isang License Inspector. March 15, 1998  naitalaga siya sa HRMO at noong August 31, 1998 nagpasya   siyang magbitiw sa tungkulin.
Maraming kasamahan niya ang nagulat sa biglaan pagbibitiw. Dahil sa kanyang angking talino at kasipagan maraming kasamahan niya sa trabaho ang nanghinayang.
Mabilis na lumipas ang panahon at naging simple siyang magsasaka. Ginugol niya sa bukid ang kanyang sarili ng mahabang panahon. Isang simpleng ama at asawa, dala ang isang pangarap na makita ang Naujan na may kapayapaan at kaunlaran.
Sa pagkakaupo ni Atty. Mark N. Marcos, siya ay itinalaga bilang bagong Municipal Administrator, isang posisyong nangangailangan ng malawak na pang-unawa at talino upang mapaglingkuran nang tapat  ang bawat Naujeňo.
Sa kasalukuyan, nakatanaw siya sa isang malalim na pangarap na makita ang Naujan na may kaunlaran. Katuwang siya ng ating Punumbayan Atty. Mark N. Marcos sa isang adhikain- isang maunlad na Naujan para sa mamamayan.

NELSON DE GUZMAN

Tuesday, December 10, 2013

Megan ng Poblacion III Bb Naujan ‘13

Megan Tristine Atienza, Bb. Naujan '13
Mula sa inisyal na 36 kandidata ng Binibining Naujan, lumitaw si Megan Tristine Atienza buhat sa Poblacion III upang koronahang Bb. Naujan 2013 at maging kinatawan para sa Search for Ms. Oriental Mindoro sa darating na Nobyembre 2013.
Pagkatapos ng tagisan ng kagandahan, talento at talino ng 14 finalist nakuha ni Ms. Atienza ang Best in Talent at Bread and Butter’s Choice Award at tinanghal bilang Bb. Naujan ‘13.

Dapat ipagmalaki at suportahan si Megan dahil siya ay isang simbolo ng kayamanan at dilag ng bayan-ang mga naggagandahan at may hiyas na mga binibini ng Naujan; kinatawan natin sa darating na Araw ng Silangang Mindoro.
Sa inisyal na screening and orientation sa Ms. Oriental Mindoro, isa si Megan sa napipisil na may kakayanang magtagumpay. Maging sa mga likes sa Facebook, siya ay na-ngunguna. Kaya’t malaki ang pag-asang tuloy tuloy ang kanyang pagniningning hanggang sa panlalawigang patimpalak.
NAGNININGNINGANG MGA BINIBINI: Si Megan Tristine Atienza ng Poblacion III (gitna) ang nakoronahang Bb. Naujan 2013 kasama sina (mula sa kaliwa) Leslie Ann Consigo, 1st Runner Up; Recel Kalaw, Bb. Naujan-Mahalta(Tourism); Jeany Pedroza, Bb. Naujan-Dabalistihit  at  Lea Belano, 2nd Runner-Up.