Wika ng Punumbayan Mayor ROMAR G. MARCOS
Bagong taon na naman. Sa ating mga lingkodbayan, ito’y nangangahulugan ng pagharap sa mga panibagong hamon sa taong ito.
Sa pagpasok pa lamang ng bagong taon, sinalubong kaagad tayo ng isang hamon na huli nating naranasan 17 taon na ang nakalipas.
Ganunpaman, ang hirap na ating dinanas ay hindi katulad noong 1993 dahil mistulang nasanay na tayo sa baha. Simula nang maitayo ang gabion sa Barangay San Andres noong 2006, lagi na tayong nakararanas ng baha dito sa ating bayan.
Ilang beses ko nang idinulog sa mga kinauukulang ahensya ang kaugnayan ng problema sa baha sa itinayong gabion. Ngunit ang mga ito ay pawang hindi natugunan.
Mahirap mang tanggaping tayo ay naging tapunan ng tubig-baha, kinakailangan nating tanggapin na ito ay isang hamon na dapat harapin: kahit na ito ay hindi natin ginusto at ni hindi rin bunga ng ating sariling pagkakamali.
Tanda ko pa noong lumipas na mga panahon kung papaanong naging masagana ang ating bayan sa mga naaaning palay. Sariwa pa sa aking alaala ang naglipanang mga kiskisan. Ang mga palaisdaan ay sagana sa sugpo, bangus, tilapia, hipon at iba pa. Ngunit ngayon ang mga nabanggit ay kasaysayan na lamang at wari’y alamat sa pandinig ng mga naghihinagpis na mga magsasaka’t mangingisda.
Dahilan sa maraming beses na silang nabigong mabawi ang mga napuhunan, dumaing ang ilan sa kanila ng tulong sa ating pamahalaang bayan. Ilang beses nang gumastos ang munisipyo para sa subsidy ng mas murang halaga ng mga binhi at fingerlings o paligaw; namigay rin tayo ng mga ito makabawi lamang ang mga Naujeňong lubos na naapektuhan. Ngunit marami pa ring dumadaing.
May ulat ang Tanggapan ng Pambayang Pansakahan na marami sa mga naipamigay at na-subsidize na mga binhi at paligaw ay naglahong parang mga bula dahil lumubog sa baha. Ilang ulit na itong nangyari simula nang ako’y umupo noong 2007.
Pagpasok ko sa panunungkulan sa munisipyo ay mistulang pagod na mga halimaw ang ating mga heavy equipment. Ang kaunting bilang ng mga ito ay nahirapang tugunan ang pagsasaayos ng mga kalsada, tulay at ilog na nasira ng tubig-baha. Maraming nagsasakripisyo sa mga manlalakbay na mga mangangalakal at mga empleyado dahilan sa mga sira-sirang mga daan. Tinugunan ang suliraning ito ng ating pamahalaang bayan kaya tayo nakabili ng karagdagang heavy equipment. Maging pondo para sa sasakyan ng inyong lingkod ay ibinaling sa pondong pambili ng heavy equipment. Ito ay nangyari sa dalawang pagkakataon matustusan lamang ang panga-ngailangan ng pagsasaayos ng mga kalsadang nasira ng baha. Ngunit ang baha ay mistulang namimihasa hanggang dumating itong huling pagbaha.
Hangad nating makapaglunsad ng kaunlaran sa ating bayan, ngunit papaano mangyayari ito kung lagi na lamang tayong sinasalasa ng baha. Ganunpaman, dahil lumalabas na ang mga katugunang naibigay ng Pamahalaang Bayan ng Naujan ay hindi umabot sa ugat na suliranin, nangangahulugang may malaking pag-asang maibalik ang Naujan sa dating kalagayan nito.
Ang pinakaugat ng suliranin ng baha sa Naujan ay ang gabion na pinayagang maitayo ng naunang administrasyon. Ang pagtuwid ng pagkakamaling iyon ay labas sa kakayanan ng aking kasalukuyang pamunuan. Ito ang pinakamalaking hadlang ng ating pamahalaang bayan na dapat malagpasan. At dito ay mayroon pa ring malaking pag-asa.
Sa kasalukuyan, nilalakad ng aking administrasyon ang solusyong makapagbibigay ng ganap na katugunan sa suliranin ng baha. Isa na rito ang pagpapalalim ng mga kailugan. At higit sa lahat, ang legal na pagwawasak ng gabion.
Patnubayan nawa tayo ng Poong Maykapal.