Ipinaaabot ko po sa Poong Maykapal at sa
aking mga kababayang Naujeňo ang aking taus-pusong pasasalamat sa pagluklok
ninyo sa akin sa awtoridad ng serbisyo-publiko.
Naalala ko
ang mga pangakong aking binitiwan noong panahon ng kampanyahan. Nasambit kong
kayo ay paglilingluran nang buong lakas, puso at isip, kung kaya’t ako ay inyong
hinirang upang mamuno sa pagkamit natin ng mga bagay na magbibigay solusyon sa
ating mga suliranin.
Ngayong ako
ay nailuklok na, sisikapin kong tupdin ang aking mga ipinangako. Sang-ayon sa
aking kakayanan, sa tulong ng mga tanggapan ng Pamahalaang Bayan ng Naujan at
sa suporta ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Henry Joel C.
Teves, pangungunahan ko kayong makamit ang inaasam nating kaunlaran. Ang mga
pangakong ito ay inilahad ko bilang aking
Executive Agenda na kilala sa acronym na GO HEARTS. Una ko itong inihain
sa publiko noong unang sesyon ng Sangguniang Bayan. Kinumpirma ko ito nang muli
kong inilahad sa unang pagtitipon ng Naujan Municipal Development Council
(MDC). Ngayon, ito ay inuulit ko sa pahayagang ito upang malaman ng bawat
mamamayan ng Naujan ang mga salitang aking sinambit para sa kapakanan ng
taumbayan.
Malaki man
ang puso ng inyong lingkod upang tanggapin ang lahat ng mga karaingan ng taumbayan,
kung hindi naman sasamahan ng suporta at kooperasyon ng pamayanang Naujeňo, ito
ay mananatiling nag-iisang puso lamang. Hindi maaring isang puso lamang ang darama ng suliranin ng bayan
dahil tayong lahat ang apektado nito. Ang Munisipyo natin ay hindi lamang ang
inyong lingkod; ang Pamahalaang Bayan ay tayong lahat. Kapag pinagsama-sama
nating lahat ang ating mga puso upang magkaisa tungo sa isang layunin para sa
kapakanan ng bayan, abot-kamay na natin ang kaunlaran. Ito ay dahil ang HEARTS
mismo ang pipintig at magbibigay-buhay sa patuloy na pagsulong ng Bayan ng
Naujan. Kung magkagayon, tayong mga mamamayan ang magsasabing “let us go now,
go, GO, GO towards progress.” Ginawa natin ito noong nakaraang halalan kaya at nararapat
lamang na ipagpatuloy natin ang nasimulan,
let’s GO HEARTS.
Nauunawaan
kong hindi lahat ng mga pulitiko ay may katulad kong pananaw sa pamamahala.
Sila ay iginagalang ko at mahal ko rin bilang bahagi ng pamilya ng bayang Naujan.
Hindi natin sila pipiliting magbago ng pananaw dahil para rin naman sa
ikauunlad ng bayan ang kanilang tunguhin. Binibigyan din natin sila ng mga karapatan katulad ng sariling
mga kaalyado. Bahagi sila ng hating-kapatid ng mga badyet pangkaunlaran. Bilang
ama ng bayan ng Naujan, hangad kong makitang nagkakaisa ang buong pamilya,
anumang kulay, pula, berde at dilaw tungo sa hinahangad nating kaunlaran ng
bayan.
Ikinagagalak
kong ang mahal na Pangalawang Punumbayan Henry Joel C. Teves ay hindi lamang
nakikiisa tungo sa kaunlaran ng bayan, ipinahayag din niyang tayo ay sasamahan
hanggang wakas, alang-alang sa ganap na ikauunlad ng bayan ng Naujan. Dahil
nakita niyang bahagi na ng aking pagkatao ang katarungan at katuwiran na siyang
aking itinaguyod sa dati kong propesyon. Ito rin ang paiiralin kong pamantayan
sa aking administrasyon. Maaasahan ninyong mangyayari ito hangga’t ako ay
naririto.
Sama-sama
tayo hanggang sa wakas.
No comments:
Post a Comment
Nais mong magkomento?