Sa pagsisimula ng taong 2010, ipinagpatuloy ng Pamahalaang Bayan ng Naujan ang programang Responsibong Gobyerno ng Mamamayan na mas kilala sa tawag na RGM. Ito ay lubos na ikinagalak ng mga taga-barangay na siyang humiling nito at lalo pang nakapaghikayat ng dagdag na mga boluntaryo at taga-suporta.Dahil sa mainit na pagtanggap ng mga taong barangay ng Naujan, tuloy tuloy ang paghahatid ng mga libreng serbisyong medikal, dental, pang-agrikultura, panlipunan, pagpapatala ng kapanganakan, kasal at kamatayan, paniningil ng buwis, pagtataya ng buwis ng lupa, pagbibigay ng lisensya at permiso at iba pa.
Pakikiisa ng mga Propesyonal
Pinasalamatan ng Punumbayan ng Naujan, Romar G. Marcos, ang pakikiisa ng maraming ahensya ng pamahalaan at mga pribadong mamamayan sa RGM. Naging katuwang sa nasabing gawain ang Sangguniang Bayan at iba’t ibang departamento ng Pamahalaang Bayan ng Naujan. Gayundin, lubusan ang pakikiisa ng 203rd Infantry Battalion sa paghahatid ng mga serbisyo sa taong bayan. Hindi rin matatawaran ang kusang-loob na paglilingkod ng ilang Naujeňo tulad nina Dr. Edgar Llamar, Isagani Conti, at Kap. Dionisia Trinidad sa pakikiisa sa mga gawaing medikal. Sabi nga ng isang hindi nagpakilalang napagkalooban ng serbisyo, “Malaking tulong sa aming mga hindi kayang magpagamot sa mga pribadong ospital ang RGM.” Kitang kita rin ang pakikiisa ni Vilma Vargas sa mga usapin ng kababaihan at ilang gawaing sibiko. Palagian rin ang pakikiisa ni Great delos Reyes sa mga gawaing may kinalaman sa Imprastuktura sa mga barangay na binibisita ng grupo ng RGM. “Hindi magiging ganap ang adhikain ng RGM kung wala ang pakikiisa ng taong bayan,” wika ng Pangalawang Punumbayan Wilson A. Viray.
Pagbisita sa mga Barangay
Tulad ng nakasanayan, bibisita ang grupo ng RGM sa mga barangay at maghahatid ng mga serbisyo ng munisipyo tuwing Martes at Huwebes. Ang kaibahan naman sa RGM 2010 ay ang clusterized na iskedyul.
Isang barangay ang pagdarausan ng gawain na lalahukan ng ilang kalapit barangay upang sa ganun ay hindi masayang ang panahon na ginugugol at lalong maging makabuluhan ang pakikipagdaupang-palad sa mga taong barangay. ( Emmanuel C. De Leon)



Bagaman at hapon na nang matapos ang naturang gawain ay bakas pa rin sa mga mukha ng grupo ng RGM ang tuwa at saya hindi dahil sa natapos na ang nakakapagod na programa kundi’y dahilan sa naging kabahagi sila ng makasaysayang 10-buwang aktibidad. Kapansinpansing hindi na isinali ang 3 barangay ng Poblacion sa kadahilanang dito mismo naka-base ang mga serbisyong taglay ng RGM.