Pages

Tuesday, December 3, 2013

Bb. Naujan nagdiwang ng Silver Anniversary

Naging matagumpay ang pagdiriwang ng Silver Anniversary ng Binibining Naujan sa pangunguna ni Kgg. Sheryl B. Morales bilang Chairperson ng nasabing patimpalak. Tatlumput anim na naggagandahang Naujeña ang nagpakita ng angking kagandahan at talento sa itinakdang apat na araw na auditions sa ibat ibang bahagi ng bayan ng Naujan.
Bb. Naujan 2013 Official Candidates
Sa masusing pagpili ng kasapi ng executive committee sa tulong ng pageant director, Arnol M. Rosales at choreographer, Dennis Basilan at sampu ng kasapi, ipinakilala sa madla noong nakalipas ng ika 27 ng Agosto sa Conference Hall, Bahay Tuklasan ang labing-apat na opisyal na kandidata mula sa iba’t ibang bahagi ng Naujan. (makikita sa official facebook fanpage account ang kumpletong listahan ng mga kandidata : https://www.facebook.com/binibiningnaujan) Ika-6 naman ng Setyembre ay ipinamalas ng mga dilag ang kanilang talento na ginanap sa bulwagan ng Naujan Academy. Naging masaya at maningning ang gabi ng koronasyon noong ika-8 ng Setyembre na dinaluhan ng iba’t-ibang personalidad ng ating bayan at lalawigan na pina-ngunahan ni Cong. Paulino Salvador Leachon. Sinimulan ang patimpalak ng isang panalangin buhat sa ating butihing Punumbayan, Atty. Mark N. Marcos, Pangalawang Punumbayan Henry Joel C.Teves at mga miyembro ng Sangguniang Bayan. Tulad ng ibang patimpalak, nagkaroon ng swimsuit at long gown presentation. Nagalak naman ang mga manonood nang sorpresang ang magtanong sa question and answer part ay ang kinoronahang Binibining Pilipinas 2013 Ariella Arida via recorded video. Sa huli, tinanghal ang mga sumusunod: Most Congeniality, Best in Swimsuit and Long Gown- Recel Kalaw ng Melgar ; Miss Photogenic- Leslie Ann Consigo ng Santiago, Best in Talent and Bread and Butter’s Choice Award- Megan Tristine Atienza ng Poblacion III; at natanggap ni Jeanny Pedroza ng Bayani ang People’s Choice Award. Nagkamit naman ng major awards ang mga sumusunod: bilang 2nd Runner-Up – Lea Belano ng Sta. Cruz, 1st Runner Up– Leslie Ann Consigo, Bb. Naujan Dabalistihit – Jeany Pedroza, Bb. Naujan Mahalta Recel Kalaw (Melgar B), Bb. Naujan-Oriental Mindoro – MeganTristine Atienza . Taos-puso namang nagpasalamat ang pamunuan ng Binibining Naujan Silver sa mga taong sumuporta sa likod ng tagumpay ng pinakamaningning na patimpalak sa bayan.
Mark Louie Macatangay

Kon. Viray unopposed PCL President

Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Philippine Councilors League (PCL) Oriental Mindoro Chapter, may nahirang na walang katunggali sa pagkapangulo sa katauhan ni Konsehal Wilson A. Viray sa ginanap na halalan ng PCL Officers noong Setyembre 6, 2013 sa Vencio’s Garden Hotel, Tawiran, Calapan City.
Bokal Wilson A. Viray, Philippine Councilors League (PCL) Oriental Mindoro Chapter
Ang nasabing okasyon ay dinaluhan ng 152 konsehal kasama na ang mga ex-officio SB tulad ng SK Presidents at ABC Presidents mula sa 15 bayan at lungsod ng Silangang Mindoro para sa election of PCL Officers 2013-2016. Ito ay sang-ayon sa Constitution and Bylaws ng Philippine Councilors League. Nakasaad dito na ang PCL ay kinakailangang bumuo ng kanyang mga opisyal sa loob ng 90 araw pagkatapos ng halalan.
Ayon kay Engr. Samuel D. Borja, Jr., DILG Provincial Director, ang nasabing halalan ay malinis, mapayapa at mabilis.
Si Kon. Viray ay magiging kasapi ng Sangguniang Panlalawigan ng Silangang Mindoro as Ex-Officio Provincial Board Member bilang kapalit ni Konsehal Gideon Abuel ng Bulalacao. Siya ay uupong regular na bokal ng Silangang Mindoro na walang pagbabago sa kanyang mga tungkulin sa Bayan ng Naujan. Nangangahulugan na magiging doble ang dami ng kanyang trabaho.
Ang bagong hirang na pangulo ng PCL ay tatanggap ng karagdagang 3 grado sa kanyang kasalukuyang sweldo upang maging Salary Grade (SG) 27. At ito ay makukuha niya mula sa kaban ng Kapitolyo ng Lalawigan ng Silangang Mindoro.
Isang malaking karangalan sa bayan na dito nagmumula ang  pangulo ng PCL ng lalawigan, wika ni Mayor Makoy.                                                     ESL


NYR suportado ng Naujan

Pinangunahan ni Mayor Mark N. Marcos at ng mga kasapi ng Sangguniang Bayan (SB) sa pamumuno ni Vice Mayor Henry Joel C. Teves ang paglagda ng mga Naujeňo sa Commitment of Support sa National Year of Rice (NYR) 2013 noong Setyembre 7, 2013 sa Liwasang Bonifacio.

Mayor Mark N. Marcos (kanan) at Vice Mayor Henry Joel C. Teves (kaliwa) sa unveiling ng National Year of Rice (NYR) na isinagawa sa Agro-Trade Fair.

Ang naturang gawain na kaugnay ng Agro-Trade Fair ay ginanap bilang pagsunod sa mandato ng pamahalaan para sa adbokasiya ng pagtitipid sa pagkonsumo ng bigas. Pangunahing layunin ng NYR na maging sapat ang suplay ng bigas sa 2014 upang hindi na kakaila-nganin pang umangkat mula sa labas ng bansa.
Ang paglagda ng bawat Naujeňo, siya man ay prodyuser ng bigas, tagagawa ng mga polisiya, o isang karaniwang mamamayan lamang ay nangangahulugan din na siya ay tutulong sa pagtataguyod ng magandang kalusugan ng mga konsumante ng bigas at pagpapaigi ng antas ng kita ng mga magsasaka.
Ayon  sa pag-aaral, kumakain ang bawat Pilipino ng 4 ½ tasang bigas araw-araw samantalang sapat na ang 3 tasa/araw. Na-ngyayari ito dahil ¼ na bahagi lamang dapat ang kanin at iba pang katulad na pagkain (¼ prutas, ¼ gulay at ¼ protina) sa kabuuang dieta. Nakatuon ang mga Pilipino sa kanin bilang pinagkukuhanan ng enerhiya, samantalang ang 1 tasang kanin ay katumbas ng 5/6 tasang saging, 1 ½ tasang patatas, 2/3 tasang balinghoy, 5/6 tasang kamote, 1/3 tasang mais o 1 1/8 tasang gabi. Kung may tamang kombinasyon sa source ng carbohydrates, maiiwasan ang sobrang pagkunsumo ng bigas. Kaya ang bawat Pilipino ay nag-aaksaya ng 2 kutsarang kanin o 9 gramong bigas araw-araw.
Noong 2010, ang nasayang na bigas ay katumbas ng 13% kabuuang inaangkat sa isang taon.  Ito ay nagkakahalaga ng Php 6.20 Bilyon o konsumo na ng 2.60 Milyong Pilipino sa 1 taon.
Nasumpungan din na mahina ang produksyon ng palay sa Pilipinas. Sa pagtatanim ng hybrid rice, mababa na ang 1 mt karagdagang ani bawat ektarya. Kung gagawin ito ng mga magsasaka ng palay sa bansa, 960,000 mt karagdagang palay ang aanihin sa isang taon. Kayang-kayang tumbasan nito ang 600,000 mt na inaangkat pa sa ibang bansa.
Higit pang aangat ang ani kung tama ang pagpapatubig at paglalagay ng pataba; paggamit ng makinarya, at pag-monitor ng palay.
Sa ngayon ay wala pang polisiya para sa pagtataguyod ng produksyon at responsableng pagkonsumo ng palay/bigas. Dapat diumano ay magkaroon ng mga katulad na ordinansa sa pagtitipid o kontra-aksaya ng bigas o hindi kaya ay sa pagbibigay insentibo sa mga magsasakang may mataas na ani.
Binibigyan-diin ng NYR ang pagtitipid sa bigas sa pamamagitan ng pagkain ng iba’t ibang mapagkukunan ng enerhiya kagaya ng kamote, saging, atbp. Hinihikayat rin ang pagkain ng brown rice para sa malusog na pangangatawan.
Ang mga bagay na ito ay huwag nawang kaliligtaan ng bawat Naujeňo na pinangatawanan ng mga Naujeňong lumagda sa Commitment of Support sa National Year of Rice (NYR) 2013.                       ESL