Pages

Sunday, February 7, 2010

KAUNA-UNAHANG PISTA NG HEKASI 2009 NG DEPED, GINANAP SA NAUJAN.


Ang kauna-unahang Pista ng Hekasi 2009 ng DepEd ay ginanap sa Bayan ng Naujan sa Mababang Paaralang Pag-alaala kay Jose L. Basa noong ika-17 ng Nobyembre 2009 na may temang: “Balik-Tanaw sa Kulturang Pilipino, Tungo sa Minimithing Kaunlaran at Makabuluhang Pagbabago.”
Ang pagdiriwang ay nilahukan ng may 18 distrito mula sa mga mababang paaralan ng DepEd Silangang Mindoro tulad ng mga distrito ng Baco, Bansud, Bongabong, Timog Bongabong, Bulalacao, Gloria, Mansalay, Kanlurang Naujan, Timog Naujan, Kanlurang Pinamalayan, Silangang Pinamalayan, Pola, Puerto Galera, Roxas, San Teodoro, Socorro, Victoria, at Silangang Naujan bilang punong abala sa pagdiriwang.
Nagsimula ang okasyon sa isang parada na sinundan ng pambungad na palatuntunang wika ng Punumbayan Romar G. Marcos. Ipinabatid ng Punong Ehekutibo ang pasasalamat sa paghirang sa bayan ng Naujan upang dito ganapin ang kauna-unahang Pista ng Hekasi. Sinabi rin niya ang kahalagahan ng nasabing okasyon at ang maging papel nito upang lalong pagyamanin ang kulturang Pilipino. Pormal ding binuksan ni Ma. Magdalena D. Lo, Pansangay na Superbisor sa Hekasi ang paligsahan ng taon sa Tagis-Talino sa Sibika at Kultura, Heyograpiya at kasaysayan, ganoon din ang iba’t ibang paligsahan tulad ng: Paligsaysayan, FolkSong na ginanap sa Mababang Paaralang Pag-alaala kay Jose L. Basa. Ang katutubong sayaw naman ng Mazurka Mindoreňa, Pagbibigay-buhay sa awiting Makabayan at ang Maramihang Tinig sa Sariling Likha Para sa Kalikasan ay ginanap sa Pampublikong Bulwagang Mena G. Valencia.
Ang iba’t ibang patimpalak ay nagresulta ng mga nagsipagwagi ayon sa sumusunod: Tagis-Talino sa Sibika at Kultura, Zaira Grace D. Yanosa ng Victoria; Tagis-Talino sa Heyograpiya, Denice M. Cabigao ng Victoria; Tagis-Talino sa Kasaysayan, Krizelle Torreliza ng Baco; Paligsahan sa Kasaysayan ng Bayan, Cedrick Villanueva ng Pola; Paligsahan sa Pag-awit ng Awiting Tagalog (FolkSong), Alner Mali ng Pola; Paligsahan sa Pagbibigay buhay sa Awiting Makabayan, Puerto Galera; Paligsahan sa Maramihang Tinig-Sariling Likha para sa Kalikasan, Gloria; Pangkalahatang Resulta sa Paligsahan ng Taon: 1st-Puerto Galera, 2nd-San Teodoro, 3rd-Silangang Pinamalayan, 4th-Silangang Naujan, 5th-Victoria, 6th-Kanlurang Naujan. (Edgar G. Genteroy, SPED Teacher Naujan East)


PAGDIRIWANG NG ARAW NG MGA BAYANI SA NAUJAN, KAUNAUNAHAN SA LALAWIGAN.


Nobyembre 30, 2009. Sa kauna-unahang pagkakataon sa lalawigan ng Silangang Mindoro, nagkaroon ng patimpalak sa Balagtasan sa panahon ng pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani. At ito ay dito ginanap sa bayan ng Naujan sa pangangasiwa ng Knights of Columbus, partikular na ang mga 4th Degree na nakatuon ang serbisyo sa Patriotism.
Bahagi ng pambungad na pagdiriwang ang talumpati at pag-aalay ng bulaklak ni Mayor Romar G. Marcos sa bantayog ni Gat Andres Bonifacio. Ayon sa Punumbayan, mahalaga ang nasabing pagkakataon bilang pag-alaala kay Gat Bonifacio dahilan sa pinaglaban nitong kasarinlan ng ating bansa. Sinabi niya na isa nawang paghamon ang buhay ng bayani upang tularang ipaglaban ang kapakanan ng bayan, lalo na’t laban sa mga corruption. Sa pagsugpo diumano ng katiwalian, naniniwala siya, magsisimula ang pagbangon ng bayan at bansa mula sa kahirapan.
Tampok sa pagdiriwang ang patimpalak sa Balagtasan na ginanap sa Bahay Tuklasan. Ang gawain na unti-unti ng nawawala sa kultura ng mga Pilipino ay lubos na ikinasiya ng madla. Ang patimpalak na may temang: “Sino Nga ba ang Bayani?” ay pinangunahan ng koponan ng Domingo Yu Chu Memorial National High School ng Pola (Champion) ; 2nd Place ang Melgar National High School (Naujan); 3rd Place ang Apitong National High School (Naujan); 4th Place, Aurelio Arago National High School (Victoria); 5th Place, Leuteboro National High School(Socorro). Ang lahat ay nagsipag-uwi ng cash prizes at mga tropeo.
Ang nasabing okasyon ay dinaluhan ng mga kasapi ng Knights of Columbus mula sa mga bayan ng Pola, Victoria, Naujan at Socorro sa pangunguna ng kanilang Faithful Navigator Tony Dolor; iilang kawani ng DepEd kasama na si Dr. Estrelita Dolor, Division Superintendent at Magdalena Morales na nagsilbing Chairman of the Board of Judges; si 2nd District Representative Alfonso Umali; at ilang mga tagamasid mula sa iba’t ibang sektor.
Bilang pangwakas ay pinasalamatan ni SK Tony Dolor ang mga sponsors ng naturang pagdiriwang: Rep. Alfonso Umali para sa mga Cash Prizes, ang mag-anakang Dolor para sa mga tropeo, at si Mayor Romar G. Marcos para sa ipinambayad sa upa ng Bahay Tuklasan. (ESL)

MGA BUNGA NG MATAPAT NA PANUNUNGKULAN



Nang umupo si Mayor Romar G. Marcos sa panunungkulan ay dinatnan niya ang mga heavy equipment na pawang mga overused. Hindi nakapagtataka ito bilang pinakamalaking bayan na may pinakamaraming barangay at pinakamalawak na teritoryo sa lalawigan .
Kaya’t agad na pinagtuunan ng pansin ng Punumbayan ang kakulangan ng heavy equipment. Dahil ang mga problemang katulad ng baha na sumisira ng maraming kalsada at iba pang mga imprastraktura na nangangailangan ng madaliang aksyon ay dito nakasalalay.
Ganunpaman, dahilan sa kulang ang pondo noon upang mahabol ang pangangailangan ng mga heavy equipment, ipinalipat ng Punumbayan ang pondong nagkakahalaga ng Php 0.90 M para sa kanyang sasakyan patungo sa pondong pang CONSTRUCTION AND HEAVY EQUIPMENT ng Engineering Office. Ito ay sa bisa ng Appropriation Ordinance No. 01 Series of 2008 noong Pebrero 26, 2008. Kaya ito ay nagbunga sa pagkabili ng unang 3 dumptrucks na nagkakahalaga ng Php 2.26 M. Nadagdagan ito ng isa pa noong Nobyembre 2008 at may sumunod pang isa noong Pebrero 2009. Ang huli ay kasabay ng Komatsu Minibackhoe with Dozer Blade.

Napakalaking ginhawa ang dulot ng 5 bagong Dump Truck at Minibackhoe. Ngunit ramdam pa rin ng Alkalde ang kakulangan base sa kahilingan ng Motorpool at hinaing ng mga barangay para sa mabilisang mobilization ng heavy equipment. Hindi madali ang pag-mobilize dahil Primemover pa ng Provincial Government ang hinihiram na may inaatupag ding ibang munisipyo. Ngunit wala nang makita si Mayor Marcos ng ibang pondo upang agarang maaksyunan ito maliban sa Php 1.50 M na nakalaan pansasakyan niya sa taong 2009. Tulad ng ginawa niya noong 2008, ipinalipat muli ni Mayor Marcos ito sa bisa ng Appropriation Ordinance No. 01 Series of 2009 noong June 19, 2009.