Pages

Sunday, February 7, 2010

PAGDIRIWANG NG ARAW NG MGA BAYANI SA NAUJAN, KAUNAUNAHAN SA LALAWIGAN.


Nobyembre 30, 2009. Sa kauna-unahang pagkakataon sa lalawigan ng Silangang Mindoro, nagkaroon ng patimpalak sa Balagtasan sa panahon ng pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani. At ito ay dito ginanap sa bayan ng Naujan sa pangangasiwa ng Knights of Columbus, partikular na ang mga 4th Degree na nakatuon ang serbisyo sa Patriotism.
Bahagi ng pambungad na pagdiriwang ang talumpati at pag-aalay ng bulaklak ni Mayor Romar G. Marcos sa bantayog ni Gat Andres Bonifacio. Ayon sa Punumbayan, mahalaga ang nasabing pagkakataon bilang pag-alaala kay Gat Bonifacio dahilan sa pinaglaban nitong kasarinlan ng ating bansa. Sinabi niya na isa nawang paghamon ang buhay ng bayani upang tularang ipaglaban ang kapakanan ng bayan, lalo na’t laban sa mga corruption. Sa pagsugpo diumano ng katiwalian, naniniwala siya, magsisimula ang pagbangon ng bayan at bansa mula sa kahirapan.
Tampok sa pagdiriwang ang patimpalak sa Balagtasan na ginanap sa Bahay Tuklasan. Ang gawain na unti-unti ng nawawala sa kultura ng mga Pilipino ay lubos na ikinasiya ng madla. Ang patimpalak na may temang: “Sino Nga ba ang Bayani?” ay pinangunahan ng koponan ng Domingo Yu Chu Memorial National High School ng Pola (Champion) ; 2nd Place ang Melgar National High School (Naujan); 3rd Place ang Apitong National High School (Naujan); 4th Place, Aurelio Arago National High School (Victoria); 5th Place, Leuteboro National High School(Socorro). Ang lahat ay nagsipag-uwi ng cash prizes at mga tropeo.
Ang nasabing okasyon ay dinaluhan ng mga kasapi ng Knights of Columbus mula sa mga bayan ng Pola, Victoria, Naujan at Socorro sa pangunguna ng kanilang Faithful Navigator Tony Dolor; iilang kawani ng DepEd kasama na si Dr. Estrelita Dolor, Division Superintendent at Magdalena Morales na nagsilbing Chairman of the Board of Judges; si 2nd District Representative Alfonso Umali; at ilang mga tagamasid mula sa iba’t ibang sektor.
Bilang pangwakas ay pinasalamatan ni SK Tony Dolor ang mga sponsors ng naturang pagdiriwang: Rep. Alfonso Umali para sa mga Cash Prizes, ang mag-anakang Dolor para sa mga tropeo, at si Mayor Romar G. Marcos para sa ipinambayad sa upa ng Bahay Tuklasan. (ESL)

No comments:

Post a Comment

Nais mong magkomento?