Pages

Wednesday, February 24, 2010

LIBRENG LIBRO: “Maagang Pamasko”

Disyembre 4, 2009, SB Session Hall. Ipinamahagi ang mga libro ng Musika, Sining at Edukasyong Pampalakas ng Katawan para sa mga baitang ng 4,5, at 6 na mga mag-aaral ng iba’t ibang pampublikong paaralan.

Ang nasabing mga biyaya ay tugon ng HEARTS Program ng pamahalaang bayan sa kahilingang ipinasa ng iilang mga paaralang nakasaad.Sa pakikipag-ugnayan ni Mayor Romar G. Marcos, Chairman ng Municipal School Board (MSB) kay Rep. Rodolfo G. Valencia na siyang pinanggalingan ng pondo nito ay naisakatuparan ang nasabing proyekto. Ayon sa Punumbayan, napakapalad natin dahil tagarito ang ating Congressman RGV na lubhang malapit sa mga Naujeňo.

Ang mga paaralang nakatanggap ay ang Nag-iba I Elementary School-115 piraso; Nag-iba II Elementary School-55 piraso; 87 piraso naman ang napunta sa J. Ylagan Elementary School; 60 naman sa Piňahan Elementary School; 200 piraso sa Evangelista Elementary School; 135 sa P. Garis Elementary School; 150 sa mga katutubong mangyan ng Cornelio Lintawagin, Paitan; 150 sa V. Delgado ng Pagkakaisa; 120 sa San Isidro Elmentary School; 120 sa B. Aguilon Elementary School ng Motoderazo; 185 sa F. Melgar Memorial School; 54 sa Laguna Elementary School; 19 sa Leon Garong Elementary School ng Estrella at sa J. L. Basa ay 19 piraso.

Dahilan sa initiative na ito ng munisipyo, lubos ang pasasalamat at kagalakan ng mga guro ng 14 na aaralan na tumanggap ng 1,433 pirasong, tinaguriang ”maagang pamasko” sa mga mag-aaral. (Nelson De Guzman)

2 Naujeño scouts, Awardee sa “That’s my Boy”

Matatandaang itinanghal na isa sa sampung pinakamahusay ng KAB Scout-That’s My Boy 2009 ng Rehiyong Katimugang Tagalog (CALABARZON at MIMAROPA) si Ivanne Benhur M. Briones ng ikatlong baitang sa Mababang Paaralang Pangala-ala kay Jose L. Basa na ginanap noong ika-18 ng Setyembre taung kasalukuyan sa Siyudad ng Antipolo, kung saan sa may 32 kalahok ay ginawaran siya bilang “Pinakamahusay sa Pagpapakita ng Talento” (Best in Talent). Siya ay anak nina Noel Briones at Pamela Mercado-Briones ng Poblacion 1, Naujan.

Kamakailan lamang ay isa na namang mag-aaral ngMababang Paaralang Pangala-ala kay Jose L. Basa ang itinanghal na “Pinakamahusay sa Panlalawigang That’s My Boy “ ng Boy Scout si Archelle Dhabes M. Gelena ng ika-6 na baitang. Ginawarang “Pinakamaamong Mukha ng Taon” sa bayan ng Baco noong ika-20 ng Nobyembre, taung kasalukuyan. Sina Leonides G. Gelena at Erlinda Mayupao ang mga magulang ni Archelle na nakatira sa Poblacion III ng bayang ito.(Edgar G. Genteroy, DepEd SPED Teacher Naujan East)

GIVE BLOOD ON CHRISTMAS DAY


Disyembre 16, 2009. MGV Gymnasium. Umabot sa 88 donors ang nagbigay ng dugo na nagmula pa sa 30 barangay. Dalawa rito ay mula pa sa Biga at Puting Tubig ng Calapan City at 1 ay galing sa Malabo, Victoria.

Sa mga barangay na nakapagbigay, Brgy Sampaguita- ang tahanang barangay ng Pangalawang Punumbayan Wilson A. Viray ang may pinakamaraming nahikayat na donors na umabot ng 14; 10 naman ang sa pumapangalawang Brgy. Evangelista; 8 sa Pinagsabangan II, 7-Pinagsabangan I, at tig-6 naman ang mga barangay ng Bagong Buhay at Pagkakaisa.

Isang malaking hamon ang magbigay ng dugo lalo na sa mga first timers. Bukod sa tension dulot ng kaisipan na mababawasan ng dugo, ay napakalaking suwero pa ang isinasaksak sa ugat. Bagaman at halos wala namang nararamdamang kirot ang isang donor, dapat silang pasalamatan at kung pwede ay parangalan. Dahil ang gawang ito ay isang uri ng kabayanihan.
Simula nang maitatag noong Setyembre 2008 ang Naujan Municipal Blood Council, kulang-kulang 700 na ang nakapagbigay ng dugo. Isang napakalaking bagay para sa mga mahihirap na hindi kayang bumili nito.

Marapatin man nating banggitin ang lahat na pangalan ng mga nakapagbigay, ito ay hindi kayang ilathala ng pahayagang ito. Banggitin na lamang dito yaong nakapag-donate ng 3-5 beses. Sila ay sina Pangalawang Punumbayan at Chairman ng Naujan Municipal Blood Council Kgg. Wilson A. Viray, Kon. Sheryl B. Morales, Carlota L. Conti ng Municipal Health Office, at Reynold Viray ng Sangguniang Bayan na pawang nakapag-donate ng 5 beses; si Armie Villena ng MHO ay nakapagbigay ng 4 na beses. Sina Marlon Alcancia ng MHO, Dexter Cueto, Virgilio Mangulabnan at Amando Olivo (parehong nasa Mayor’s Office) ay nakapagbigay ng 3 beses. Ang ibang nakapagbigay ng 1-2 beses ay nakasulat sa kalendaryo at Tarpaulin ng Naujan Municipal Blood Council.

Maaring hindi pa napasama ang mga pangalan ng iilang nakapagbigay buhat noong Nobyembre 26, 2009. Ngunit kasama sila sa mga hinahangaan at binibigyan ng papugay ng pamayanang Naujeňo sa kabayanihang kanilang ginampanan. (ESL)