Pages

Thursday, December 12, 2013

Mayor Mark N. Marcos

Mayor Mark N. Marcos
Ika-28 na Punumbayan ng Naujan si Mayor Mark Navarro Marcos simula kay Presidente Municipal Carlos Basa (Enero 7, 1903-Marso 27, 1903).
Bilang pamangkin ng yumaong Mayor Romar G. Marcos (Hulyo 1, 2007-Hunyo 8, 2010) at apo ni Mayor Manuel R. Marcos (Marso 22, 1975-Marso 31, 1986), siya ang ikatlo sa angkan ng mga Marcos na pinagkatiwalaan ng pamayanang Naujeňo sa tungkulin ng Punumbayan.
Ipinanganak noong Hulyo 13, 1968 sa sambahayan ni Cromwell G. Marcos (yumao) at Vilma Navarro-Marcos sa Poblacion II ng bayang ito. Ikaapat sa limang magkakapatid.
May talinong taglay simula ng pagkabata. Parehong tinapos bilang valedictorian ang elementarya sa Jose L. Basa Memorial Elementary School (1981) at sekundarya sa Agustin Gutierrez Memorial Academy (1985). Napatunayan ang hinusay nang tapusin bilang Magna Cum Laude ang Bachelor of Arts Major in Political Science (AB PolSci) sa Manuel L. Quezon University (1989). Ipinagpatuloy ang pag-aaral sa naturang unibersidad at tinapos ang Bachelor of Laws taong 1993. Pagkalipas ng isang taon, siya ay isang ganap nang abogado.
Si Atty. Mark Marcos ay unang nagtrabaho sa pribadong sektor bilang Legal Staff Member ng dating Congressman Manuel Villar. Siya ay simulang naglingkod sa pamahalaan taong 1995            bilang Court Attorney ng Supreme Court hanggang sa siya ay  hiranging Presiding Judge (2005) sa Municipal Trial Court ng Roxas, Silangang Mindoro. Siya rin ay nagsilbing Acting Presiding Judge sa Municipal Circuit Trial Court ng Mansalay at Bulalacao.
Walang karanasan sa pulitika at hindi pulitikong tao si Judge Marcos ngunit dahil sa panawagan at panghihikayat ng taumbayan na nangangailangan ng tapat at mahusay na pamumuno, pinili niyang isantabi ang pagiging hukom upang paunlakan ang kahilingan ng kanyang sariling bayan. Pinatunayan ito ng sambayanang Naujeňo nang siya ay hirangin sa minsanang pagtakbo sa halalan bilang Punumbayan.
Pulitika man ang napasok ng dating hukom, ngunit hindi pamumulitika ang liderato ni Mayor Mark N. Marcos. Ang sigaw ng kanyang administrasyon ay KAUNLARAN, SERBISYO, PAGKAKAISA at KATAPATAN para sa bayan.
Para sa pagpapatuloy man ng programa ng kanyang tiyuhin ang kanyang plataporma de gobyerno, bahagi rin ng kanyang pamunuan ang pagpapatuloy ng mga nakasalang o nasimulan nang mga programa nang nakaraang administrasyon.

Kasalukuyang naninirahan ang ama ng bayan sa Poblacion III, kapiling ang kanyang may-bahay, Genevieve Geremia-Marcos at mga anak na sina Xavier  Cromwell, Jenica Alexis, Maxine at Marco Emmanuel.                              ESL

M.A. ANGEL M. NAVARRO

Angel M. Navarro
Municipal Administrator
Sino nga ba si ANGEL MIRANDA NAVARRO o “BOBI” sa mga taong lubos na nakakakilala sa kanya?
Si “Bobi” ay anak nina G. De Gaulle Aboboto Navarro at Elvie Miranda. Nagtapos siya ng elementarya sa Nag-iba Elementary School;  nag-aral siya ng high school sa Sacred Heart Academy sa Quezon City at nagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration major in Accounting noong 1985 sa University of the East. Nabiyayaan siya ng tatlong anak sa asawang si Mila Digno, sina Angel Ajerico, Alexis, at Monina.
Taong 1992 nang magsimula siyang magtrabaho sa Pamahalaang Bayan ng Naujan ng noo’y Punumbayan Nelson B. Melgar bilang isang License Inspector. March 15, 1998  naitalaga siya sa HRMO at noong August 31, 1998 nagpasya   siyang magbitiw sa tungkulin.
Maraming kasamahan niya ang nagulat sa biglaan pagbibitiw. Dahil sa kanyang angking talino at kasipagan maraming kasamahan niya sa trabaho ang nanghinayang.
Mabilis na lumipas ang panahon at naging simple siyang magsasaka. Ginugol niya sa bukid ang kanyang sarili ng mahabang panahon. Isang simpleng ama at asawa, dala ang isang pangarap na makita ang Naujan na may kapayapaan at kaunlaran.
Sa pagkakaupo ni Atty. Mark N. Marcos, siya ay itinalaga bilang bagong Municipal Administrator, isang posisyong nangangailangan ng malawak na pang-unawa at talino upang mapaglingkuran nang tapat  ang bawat Naujeňo.
Sa kasalukuyan, nakatanaw siya sa isang malalim na pangarap na makita ang Naujan na may kaunlaran. Katuwang siya ng ating Punumbayan Atty. Mark N. Marcos sa isang adhikain- isang maunlad na Naujan para sa mamamayan.

NELSON DE GUZMAN

Tuesday, December 10, 2013

Megan ng Poblacion III Bb Naujan ‘13

Megan Tristine Atienza, Bb. Naujan '13
Mula sa inisyal na 36 kandidata ng Binibining Naujan, lumitaw si Megan Tristine Atienza buhat sa Poblacion III upang koronahang Bb. Naujan 2013 at maging kinatawan para sa Search for Ms. Oriental Mindoro sa darating na Nobyembre 2013.
Pagkatapos ng tagisan ng kagandahan, talento at talino ng 14 finalist nakuha ni Ms. Atienza ang Best in Talent at Bread and Butter’s Choice Award at tinanghal bilang Bb. Naujan ‘13.

Dapat ipagmalaki at suportahan si Megan dahil siya ay isang simbolo ng kayamanan at dilag ng bayan-ang mga naggagandahan at may hiyas na mga binibini ng Naujan; kinatawan natin sa darating na Araw ng Silangang Mindoro.
Sa inisyal na screening and orientation sa Ms. Oriental Mindoro, isa si Megan sa napipisil na may kakayanang magtagumpay. Maging sa mga likes sa Facebook, siya ay na-ngunguna. Kaya’t malaki ang pag-asang tuloy tuloy ang kanyang pagniningning hanggang sa panlalawigang patimpalak.
NAGNININGNINGANG MGA BINIBINI: Si Megan Tristine Atienza ng Poblacion III (gitna) ang nakoronahang Bb. Naujan 2013 kasama sina (mula sa kaliwa) Leslie Ann Consigo, 1st Runner Up; Recel Kalaw, Bb. Naujan-Mahalta(Tourism); Jeany Pedroza, Bb. Naujan-Dabalistihit  at  Lea Belano, 2nd Runner-Up.

Wednesday, December 4, 2013

Paglilingkod sa Bayan Ipagdiwang

Ni: Mayor Mark N. Marcos
Ipagdiwang natin ang buhay! Ipagdiwang natin ang paglilingkod sa taumbayan!
Ang paglilingkod ay hindi lamang bahagi ng buhay, ang paglilingkod ay mismong kabuuan ng buhay. Wika nga ni Mother Theresa, “A life that is not lived for others is not worth-living.”
Nitong mga buwan ng Setyembre at Oktubre, tayo ay nagdiwang ng iba’t ibang aspeto ng serbisyo-publiko; mga gawain na bahagi na ng buhay, hindi lamang ng mga lingkod ng bayan kundi ng buong pamayanan ng Naujan. Ang mga ito’y pakikibahagi na rin natin sa mga programang nasyunal, hindi bilang pagsunod sa mga itinakdang requirements, kundi bilang mga Pilipino na nakikiisa sa pagsunod sa mga umiiral na batas at mga gawaing  nagtataguyod ng kapakanan ng taumbayan.
Sa pagpasok ng buwan ng Setyembre, nakibahagi ang lokal na pamahalaan sa  pagdiriwang ng Pistang Bayan. Ito ay tradisyon na ng pamayanang Naujeňo na minana natin sa pamahalaang lokal noong kapanahunan ng mga Kastila. Ipinakikita ng pagdiriwang na ito ang mayaman nating kultura at kung saan ito nagmula. Relihiyoso man ang naturang gawain, malaki ang naging epekto nito sa programang panturismo ng ating bayan.
Bahagi ng nasabing gawain ang pagdiriwang ng National Year of Rice (NYR) 2013. Bilang Rice Granary of Oriental Mindoro nararapat lamang na pangunahan natin ang lahat ng suporta sa programang ito sa ating lalawigan. Gagawin natin ito bilang ulirang mga producer at consumer ng palay/bigas. Magtanim po tayo ng mga binhing itinataguyod ng Kagawaran ng Pagsasaka upang tumaas ang ani. Magsaing at kumain lamang tayo ng sapat upang maiwasang makapag-aksaya ng kanin. Kahit papaano, hindi man kalakihan ang bayan natin na kung tutularan lamang ng ibang pamahalaang   lokal ng buong bansa, malaki na rin ang magagawa para mabawasan ang national importation ng bigas para sa 2014. Ito’y isang pagkakataon upang makapaglingkod sa bayan kahit na hindi kawani ng gobyerno.
Bilang Punong Ehekutibo ng lokal na ahensiya ng gobyerno, nakakataba ng puso ang tema ng ika-113 Anibersaryo ng Philippine Civil Service na “Tatak Lingkod Bayani, Isabuhay, Ipagmalaki at Ipagbunyi”. Tayo ay nakiisa sa Civil Service Month Celebration noong buwan ng Setyembre. Sa ngayon ay pinag-aaralan natin ang implementasyon ng merit system para sa mga kawani ng munisipyo upang maitaguyod ang matuwid at mahusay na paglilingkod sa bayan. Gagawin natin ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga parangal at gantimpala sa mga matatapat na empleyado.
Bilang bahagi ng development ng mga kawani, ipinagdiriwang natin ang Employees’ Day sa buwan ng Oktubre. Ito’y pagkakataon upang ma-refresh ang mga lingkod ng bayan at magkaroon ng panahon na makisalamuha sa bawat isa para sa tunay na kahulugan ng camaraderie. Kinakailangan din ito upang sila’y lalo pang maging epektibo at episyente sa kani-kanilang ginagampanang mga tungkulin. Ang mga kawani ng munisipyo ang workhorse ng ating pamahalaang lokal tungo sa ikauunlad ng ating bayang Naujan.
Hindi man nakakapagpayaman ang paglilingkod sa bayan dahil hindi naman kalakihan ang tinatanggap na sweldo ng mga empleyado, dapat itong ipagdiwang lalung-lalo na ng mga kawani dahil kahit minsan sa buhay ng isang empleyado ng gobyerno, ang bawat isa sa atin ay tinawag na “Lingkod-bayan”.

In What or Whose Terms?



Ni: Engr. Elmer Lopoz
“Magkaisa tayo!” ito ang laging panawagan ng bawat administrasyon. Tama o mali ba ito ? Walang problema sa pananawagan. Magkakaroon lamang ng problema kung hindi masusunod ang pamantayan ng katuwiran sa katanungang “In what or whose terms?”
Maraming lider ang nangungumbinse na samahan sa kanilang liderato. Normal lamang at hindi mali ito. Ngunit ang isang tagasunod ay dapat munang suriin ang pamantayan ng liderato.
“In what terms?” Sinasagot ito kung batas ba o/at pulitika ang layunin.   Alinman sa dalawa, siguraduhin lamang na hindi nawawala ang batas. Isang batayan kung nasusunod o hindi ang batas ay sa pamamagitan ng pagsuri kung itinutuloy ba ng  nasabing lider ang mga proyekto ng kanyang pinalitang lider. Kung pinabayaan ng nasabing lider na masayang ang proyekto ng kanyang sinundan, mag-ingat sa kanyang panawagan ng pagkakaisa. Baka pagkakaisa lamang sa pulitika ang kaniyang tinutumbok at hindi para sa ikauunlad ng bayan. Marami lamang masasayang na pera. Ang walang pakundangang pagsunod sa ganyang lider ay nakikiisa sa pag-aaksaya ng kaban ng publiko!
Nang maupo ang kasalukuyang administrasyon, maraming nagdatingang mga request sa Tanggapan ng Punumbayan. Hindi agarang maaksyunan ni Mayor Mark Marcos ang mga kahili- ngan dahil tinitingnan kung anong mga programa ni Mayor Angie Casubuan ang hindi pa natatapos. Sinisiguro lamang na hindi maapektuhan ang mga ito kapag pinaunlakan ang mga kahilingan.
Tuwing may request, ang laging tanong ng Municipal Administrator Angel Navarro,”ano ang naka-programa?” Tinutukoy ng huli ang programa ng nakaraang administrasyon. Kapag si Mayor Marcos ang kaharap ng may kahilingan, pinatatawag ang in-charge ng programa upang siya mismo ang magpaliwanag doon sa may request.
Ito ang kagandahan kung ang “terms” na hawak ng liderato ay batas. Hindi    mangangamba ang isang tagasunod na baka malagay sa alanganin dahil mayroon siyang legal na pinanghahawakan. Hindi na siya magdadalawang-isip kung paano lumapit at kung anong partido ang kanyang kinaaniban dahil may legal basis ang kanyang pakay. Ang lider naman na namumuno ayon sa batas ay walang pakialam sa partido ng may pakay dahil batay sa batas ang kanyang liderato, kaya’t paglilingkuran niya pa rin ng patas ito.
“In whose terms?” May 3 anggulo ang kasagutan nito. Kung sa pansariling panig ng lider lamang, purong political at pansarili ang motibasyon. Alam ng lahat na hindi maganda ito. Mayroon ding estilong pilantropo na panay sa panig ng may pakay/tagasunod nakasentro ang benepisyo. Ganito ang estilong Cong. Manny Pacquiao, Vice Mayor Joel C. Teves at yumaong Mayor Romar G. Marcos. Maganda at kahanga-hanga, masakripisyo lamang a masakit sa bulsa ng lider. Ang ikatlo ay para sa lahat. Makikinabang pati lider, habang nakikinabang ang mga tagasunod/may-pakay at ang sambayanan. Nangangailangan lang ito ng palagiang update sa batas, mga panukala ng gobyerno at Information, Education and Communication (IEC) upang malaman ng lahat ang kani-kanilang mga karapatan at tungkulin.
“In what and/or whose terms” tayo magsasama-sama? Laging sa ikatataguyod ng batas na pawang kapakanan ng taumbayan ang sukdulang hinahanap, diyan tayo makiisa.

Pag-asa

Marami ang naririnig, marami ang nagtatanong
Saan ba patutungo ang bawat panahon?
Kung ang bawat umaga’y dilim ang dumadaloy
May pag-asa pa ba ang bawat dapit hapon?

Isang tanong na mahirap ang bawat itutugon
Kung ang bawat tao’y dito rin lulusong
Dito na sasadlak na walang hinahon
Hanggang sa masadlak sa lusak ng kahapon.

Dapat bawat tao’y nakatingin sa liwanang
Na sa kabila ng dilim may pag-asang malalasap
Dumaan man ang unos at hagupit ng pagsubok
May araw na sisikat ng walang pag-iimbot.

Pakatandaan nating meron pa ring lumikha
Na mataas sa lahat at handang umunawa
Sa lahat ng problema’y may sagot na akma
Pagkatapos ng dilim may liwanag pang mapapala.


                                                      
                                                    Nelson G. De Guzman

Balanseng Paglilingkod


“Masama ang anumang labis.” Ito ang madalas na nagiging komento ng mga tao kaugnay sa mga bagay na ipinapasok sa bibig. Ganunpaman, alam man ng nakararami ito, ang mga paboritong pagkain pa rin ang lubus-lubusang kinukonsumo. Kaya’t madalas mga health professionals lamang ang mga nagsasabing, “May kulang ka sa ganitong                 bitamina..” o ‘di kaya ay ”Iwasan mo ang ganitong pagkain…” Dahil ang hatid ng anumang labis ay “karamdaman.”
Ang pagbabalanse ay isang skill. Kinakailangan ito sa acrobatics(sining ng pagbabalanse ng katawan), nutrisyon, hermeneutics (agham ng interpretasyon ng Bibliya), pulitika, atbp. Hindi aksidente ang pagkakaroroon ng balanseng sistema.
Ang ecological balance ng kalikasan ay gawa ng skillful Creator nito. Sinira lang ito ng tao at nagresulta sa hindi na balansyadong ecosystem na isa sa mga naging sanhi ng iba’t ibang kalamidad. Dagdag pa rito, lumayo ang tao sa mga alituntunin ng kanyang Tagapaglikha dahilan upang tuluyang mawala sa balanse ang kalagayang panlipunan. Ito ay mas kilala sa KARAMDAMANG PANLIPUNAN.
Nangangailangan ng skill o karunungan ang tao upang maibalik ang dating kaayusan, ang balanseng kalagayan. Mahalaga ito sa anumang larangan lalung-lalo na sa pulitika at serbisyo publiko. Hindi ito madali. Ngunit, kapag taglay ng mga tagapagpatupad ang karampatang skill o karunungan, ito ay abot-kamay.
Ang pamahalaan ay naglunsad ng mga batas, panukala at panuntunan para sa pagsasanay ng mga lingkodbayan na siyang inaasahang mag-angat ng kanilang karunungan sa serbisyo-publiko. Kasama na rito ang mga programa sa moral recovery ng mga empleyado ng gobyerno para sa matuwid na serbisyo. Dapat nating pasalamatan na hindi lamang kalayaan sa relihiyon ang mayroon tayo sa ating bansa, bagkus ay itinataguyod mismo ito ng batas ng republika dahil bahagi ito ng solusyon sa karamdamang panlipunan.
Wika nga ng Pambayang Tagapamahala Angel M. Navarro, “May karamdaman ang ating lipunan na ang tanging makapagpapagaling ay walang iba kundi ang Diyos.” Inamin ng administrador na siya’y hindi relihiyosong tao. Ngunit, sa ibang pagkakataon sinabi niya “Simula nang ako’y naging Municipal Administrator, ako’y natutong magdasal.” Si “Admin Bobie” na hinirang ni Mayor Makoy Marcos sa tungkulin ay kilala sa munisipyo bilang matalinong tao. Mayroon din kayang katulad na pananaw at gawi ang mga “hindi matatalino” sa Naujan? Hindi lang pangmatalino ang tumanaw ng pag-asa sa Maykapal.
Ang nag-iisip para sa ganap na kagalingang panlipunan ay hahantong sa balansiyadong solusyong sosyal, pulitikal at espirituwal. Nakikita ito ng mga mambabatas at mga nanunungkulan sa awtoridad ng pamahalaan sa nasyunal na level. Imposibleng hindi makita ito sa local level.
Kamakailan lamang ay pinagdiwang ang Town Fiesta. Tanda ito ng presensiya ng mga relihiyosong mamamayan sa Naujan. Harinawa’y maihayag ang espirituwal na mga gawi at pananaw sa pamamagitan ng pagsuporta ng mamamayang Naujeňo sa pagbabago ng mga baluktot na kaugalian. Dahil ito ay sagabal sa balansiyadong kalagayan.
Natunugan na may mga empleyado na namataang lasing sa oras ng trabaho. Ang sabi ng nasusurang Mayor Makoy “tanggalin sa serbisyo!” “Bigyan muna ng second chance” pakiusap ng administrador.
Mga lingkodbayan dapat ang nangunguna sa direksyon tungo sa pagbalanse ng tumatagilid na nating kultura. Paano kung likas talagang liko ang oryentasyon ng isang empleyado ng gobyerno? Sabi ni Admin Bobie, “Sa aking pagharap sa mga tao bilang isang empleyado ng munisipyo, ako’y nakamaskara ng mataas na dignidad sa paglilingkod.” Tinutukoy ng Tagapamahala na hindi niya dinadala sa munisipyo ang kanyang mga bisyo sa labas, bilang pagbigay-galang sa batas na nagsasabi:
“Public service is a public trust.”
Nasa lingkodbayan ang pagpapatunay kung siya ay karapatdapat sa pagtitiwalang ibinigay sa kanya ng pamahalaan. Pero ito’y tiyak niyang makakamtan kung siya’y tatalima lamang sa balanseng paglilingkod na isinusulong ng batas.

Patas at ligtas na halalan pinagkaisahan sa Unity Run

Walang partido at walang anumang grupong itinatangi sa isinagawang Unity Run sa madaling-araw ng Oktubre 26, 2013 na pinangunahan ng Naujan Police Station sa pamumuno ni PCI Neil R Apostol, Chief of Police.
THE RUNNING MAYOR:  Si Mayor Mark N. Marcos (harapan,kaliwa) kasama ang escort niyang pulis, PO3 John Escalona (kanan) at mga DepEd teachers (sa likuran).
Ang takbohan ay nagsimula sa Liwasang Bonifacio patungo sa pinakamalayong destinasyon nito sa Barangay Motoderazo para sa 10 km run. Ang dalawang destinasyon ay 5 km at 3 km na parehong nasa Barangay Santiago.
Isinagawa ang takbuhan para sa Safe And Fair Election (SAFE) para sa Halalang Pambarangay noong Oktubre 28, 2013. Ito ay may temang: “Takbo Para sa Mapayapang Halalan Tungo sa Tuwid na Daan.” Layunin nito na maiwasan ang karahasan at ma-ging patas ang tunggalian sa pamumuno sa Barangay. Kaakibat din ng nasabing takbuhan ang fund-raising para sa mga out-of-school youth (OSY) ng alternative learning system (ALS) sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga tickets sa mga nakilahok.
Ang aktibidad na voluntary ang partisipasyon ay nilahukan ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor tulad ng PNP, BFP, BJMP, mga guro mula sa DepEd at pribado, PGBI, Triskelion fraternity, municipal officials and employees, mga kandidato sa barangay election at mga karaniwang mamamayan na interesado sa gawaing pangkalusugan.
Sinabi ni Chief Apostol na isinagawa rin ang naturang aktibidad upang ipamulat sa pamayanan ang kahalagahan ng ehersisyo sa kalusugan.
Tampok sa aktibidad ang partispasyon ng Punumbayan Mark N.Marcos na tumakbo ng 5 kilometro: 2.5 km straight run at 2.5 km intermittent run pabalik ng starting line. Ipinamalas ng Punong Ehekutibo na kahit gaano ka-busy ang isang tao, maari pa ring maging malusog at balansiyado ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigay panahon sa ehersisyo.
Mario Martinez/ESL

ALS-eSkwela palalakasin sa 2014

Nakaprograma na sa administrasyong Marcos na palalakasin ang ALS-eSkwela sa taong 2014. Kauupo pa lamang ng bagong administrasyon, pinuntahan kaagad ni Angel M. Navarro, Municipal Administrator upang tingnan ang sitwasyon sa Sta. Maria Center.
Si G. Angel M. Navarro, Municipal Administrator (gitna) habang sinisiyasat ang pasilidad ng ALS-eSkwela Center sa Sta. Maria kasama si Engr. Elmer S. Lopoz, eSkwela Center Manager (kaliwa) at Janet Mendoza, Learning Facilitator (kanan).
Nakita ng administrador ang eSkwela-Community eCenter (CeC) na nanga-ngailangan ng agarang attention katulad na lamang ng mga computer na infected ng mga virus. Nakita niya rin ang sitwasyon ng mga mag-aaral sa Altenative Learning System (ALS) na nagtiyagang walang maupuan makapasok at makapagtapos lamang sa elementarya at high school sa loob ng 10 buwan.
Simula nang mawala ang trained Network Administrator (NA) ng eSkwela, nagkaproblema na ang mga computers sa Sta. Maria na lubos na kinakailangan para sa automated learning process. Kaya’t noong araw na binisita ni Admin ‘Bobie’ ang eSkwela Center sa Sta. Maria, dinala na rin ang mga computers pag-uwi at ginastusan ng malaki ng munisipyo malagyan lamang ng brandnew at genuine na operating system at antivirus.
Dalawang committee hearing na ng Rules, Privileges, Ordinances and Legal Matters sa Sangguniang Bayan ang nakaraan. Ang tanong ng mga Konsehal Sheryl Morales at Leo De Villa ay hindi pa rin nagbabago, “Bakit hindi napopondohan ng sapat ang eSkwela?” “Maganda ang programa ng CeC-eSkwela, dapat madagdagan ang pondo nito,” wika ni Kon. Dan Melgar. Hindi maitatago ang sentimiento ng mga miyembro ng komitiba. Kaya’t sinabi ni Kon.  Wilson Viray, Committee Chairman na dapat diumanong makipag-network ang munisipyo sa ibang ahensiya ng gobyerno para mapondohan ang mga naka for-funding-source (FFS).
Nakasaad sa Local Deve-lopment Investment Plan (LDIP) 2014-2016 at Annual Investment Plan (AIP) 2014 ang detalye ng pagpapalakas ng ALS CeC-eSkwela. Ngunit ang pinaka-highlight nito ay ang pagpapasa ng ordinansa upang ito’y maging yunit o tanggapan na mayroong regular at sapat na pondo at sariling mga taong magpapatakbo ng kanyang mga programa at proyekto.                                          ESL


Tuesday, December 3, 2013

Munisipyo sumali sa Adbokasiya para sa Downsteam Oil Industry

Pinadala ng munisipyo ang 3 kinatawan nito sa Multi-sectoral Advocacy Campaign On Downstream Oil industry na isinagawa sa Filipiniana Hotel, Calapan City noong Oktubre 8, 2013.
Ito ay tugon sa paanyaya ng Philippine Information Agency (PIA) sa ilalim ng Department of Energy (DOE)-PIA Communication Initiatives Program para sa malawakang pagpapalaganap ng impormasyon sa kalakalan at industriya ng petrolyo sa bansa.
Inatasan ni Mayor Mark N. Marcos sina  Municipal Treasurer  Arleen B. Gutierrez, Permits and License  Division Chief Marieta M. Panelo at ang may-akdang ito ayon sa kahilingan ni Director Zenaida Y. Monsada ng Oil Industry Management Bureau (OIMB) ng DOE.
Naging kapaki-pakinabang ang nasabing gawain sa pagbibigay impormasyon hinggil sa tamang kalakalan ng produktong petrolyo. Ito ay lubos na nakakaapekto sa mga mamamayan ng Naujan. Tinalakay rin ang mga ilegal na pagsasagawa ng panga-ngalakal na naging sanhi ng nakamamatay na mga aksidente dulot ng hindi pagtalima sa batas.
Umapela ang DOE sa mga lokal na pamahalaan na:
Magkaroon ng malakas na pampublikong posisyon sa suporta nito upang ihinto ang mga ilegal na gawain sa sektor ng liquefied petroleum products (LPP) at LPG
Magpasa at magpatupad ng lokal na ordinansa na susuporta sa pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon ng DOE sa LPP at LPG
Ipatupad ang pagpapasara ng mga nagkakamaling establishment ayon sa inirerekomenda ng DOE
Suportahan ang pampublikong kamalayan sa programa ng DOE sa LPP at LPG safety
Suportahan ang agarang pagpasa ng LPG Bill
Naging matagumpay ang nasabing gawain at maaasahang ipatutupad ng pamahalaang lokal sa pamamagitan ng Municipal Treasurer’s Office at Permits and License Division ang mga panukala ng batas hinggil dito.                                  ESL

Proyektong SALINTUBIG 40% kumpleto

Itinaya ng Municipal Engineering Office (MEO) sa 40% progreso ang Sagana at Ligtas na Tubig sa Lahat (SALINTUBIG) Project sa Melgar A at Montelago na sinimulan noong buwan ng Oktubre, taong kasalukuyan.


MULA ITAAS: Si Engr. Ermelo Vertucio, Project Manager ng Munisipyo sa designs and operations, habang sinisiyasat ang mga tangkeng pag-iimbakan ng tubig; mga tubong magdadala ng tubig mula sa pinanggagalingang bukal sa Barangay Montelago; isang pipe laying activity sa Barangay Melgar A.
Ang mga proyekto ay nasa pipe-laying stage na at inaasahang matapos sa Disyembre 2013 at handa nang gamitin ng mga konsumante sa Marso 2014. Ito ay nagkakahalaga ng Php 2.20 Milyon. Ang Php 2.00 milyon ay mula sa DILG na ibinibigay sa 2 bahagi. Ang unang Php 1.00 Milyon ang pinagkunan ng gastusin sa Pre-engineering Design at iba pang pag-aaral. Ang pangalawang Php 1.00 Milyon ay ibibigay lamang kapag mayroon nang 10% na nagastos sa kabuuang badyet. Ang Php 200,000.00 ay counterpart ng Pamahalaang Bayan ng Naujan.
Pinaghati-hatian ang Php 2.20 Milyon sa tatlong proyekto. Php 850,000.00 ang napunta sa Melgar A na pakikinabangan ng 231 bahayan. Ito ay gagamitin sa pagsasaayos ng 1 tangke na may 21 metro-kubikong kapasidad at sa paglalagay ng mga tubo papuntang mga bahayan. Ang Php 710,000.00 naman ay napunta sa Sitio Proper ng Montelago. Pakikinabangan ito ng 75 bahayan. Sa Sitio Balangibang, Montelago naman napunta ang php 640,000.00 na may 41 bahayang makikinabang.
Ang proyekto ay ipinatutupad sa aktwal na halagang Php 1.90 Milyon na siyang bid amount ng nanalong contractor, Great Lakes ng Calapan City. Ang Php 300,000.00 ay savings ng pamahalaang lokal at maaring gamitin sa ibang mga programa at proyekto.
Nagkaroon ng nasabing proyekto sa mga natukoy na barangay dahilan sa kanilang existing water users association na siyang pamantayan ng DILG upang mabigyan ng pondo.                               ESL

Mayor Makoy dumalo sa Regional Disaster Summit

Isa sa mga mahahalagang gawain na dinaluhan ni Mayor Mark Marcos ang Regional Disaster Summit sa Bureau of Soils, Quezon City na isinagawa sa ikalawang linggo ng Oktubre 2013.
Ang bayang laging nakakaranas ng mga kalamidad ay nangangailangan ng lideratong handang harapin ang mga ito.
Dahil sa kagustuhan na maging ‘disaster-resilient municipality..’ ang Naujan sang-ayon sa vision statement nito kaugnay sa disaster risk-reduction management, tinapos ni Mayor Makoy ang summit upang kuhanin ang lahat ng mga impormasyong kinakailangan.
Nakita ng punumbayan na ang Pilipinas ay isa sa ‘Top 5’ na mga lugar na kung saan ang pwersa ng kalikasan ay palagi ng naroon. Dito niya nalaman kung gaano ka-prone ang bayan ng Naujan sa mga disaster sa pamamagitan ng ipinakitang Flood Susceptibi-lity Map at Landslide Susceptibility Map. Natutunan din ni Mayor Marcos na hindi kinakailangang napakamoderno ng mga kagamitan upang makaresponde sa isang disaster. Kinakailangan lamang daw ng early warning system na dapat ay laging naroon sa mga barangay.
“Paghandaan natin ito nang mabuti,” wika ni Mayor Marcos sa Acting Municipal Disaster Risk-Reduction Ma-nagement Officer (MDRRMO) Angel M. Navarro, na tumutukoy sa paparating na mga kalamidad.
Hinihimok din ng ama ng bayan ang kooperasyon ng mga opisyales ng bara-ngay na magbato ng impormasyon sa munisipyo hindi lamang sa panahon ng mga kalamidad upang maagang makapagbalangkas ng mga plano at nang makapagbigay ng mga angkop na aksyon sa panahon ng kalamidad.
Sa isang bahagi ng ulat ni Mayor Mark Marcos kaugnay sa nasabing okasyon, sinabi niyang “Salamat sa Panginoong Diyos at ang bayan ng Naujan ay hindi nakaranas ng masyadong hagupit dulot ng habagat at bagyo.”                                                ESL

Sunog tinambangan ng komunidad

Hindi na kumalat sa karatig na mga istraktura ang sunog sa Genilo St., Poblacion 1 noong Oktubre 9, 2013 nang pinagtulung-tulongan ito ng mga bombero at mga boluntaryo mula sa iba’t ibang sektor. Walang naiulat na patay o sugatan maliban sa danyos ng mga natupok na ari-arian kasama na ang isang aso.
Hindi nadamay ang mga katabing commercial establishments ng nasusunog na bahay na ito dahil sa kooperasyon ng komunidad.
Ayon sa deklarasyon ni Gng. Elvessa C. Magadia, may-ari ng bahay, nasa Php 1.50 Milyon ang halaga ng nilamon ng apoy.
Namataan ang sunog dakong alas 2:00 ng hapon na inulat ng isang kawani ng Allied Sa-ving Bank sa Naujan Fire Station. Kaya’t agad itong nai-relay ng Munisipyo ng Naujan sa mga lokal na pamahalaan ng Victoria, Calapan at Kapitolyo.
Samantala, hindi nag-iisa ang mga bumbero ng Naujan nang magtulung-tulong ang mga boluntaryo mula sa Triskelion fraternity, ilang kawani ng Munisipyo at mga karaniwang mamamayan.
Hindi kalaunan ay dumating ang mga bumbero ng Calapan City, Victoria at Provincial Disaster Response Team (PDRT). Dumating din ang Fire Truck ng Tamaraw Fire Volunteer.
Bandang alas 4:30 na ng hapon ng ganap nang maging fully neutralized ang insedente.
Ayon sa ulat ng istasyon ng Naujan, hindi tiyak ang dahilan at pinanggali-ngan ng sunog. Walang taong makapagpatunay dahil walang nakasaksi sa inisyal na pagsisimula ng sunog.
Lubos ang pasasalamat ni Mayor Mark Marcos at Fire Insp. Ronald Cupiado sa dalawang (2) karatig na pamahalaang lokal kasama na ang Kapitolyo at mga negosyante sa  Calapan na nagpadala ng kanilang fire volunteers at sa mga grupo at mamamayan ng Naujan na kusang-loob na nag-laan ng panahon upang labanan ang nasabing sunog.                  ESL

Mga katutubo areglado rin ng mga bumbero

Sinadya ng Naujan Fire Station ang Balite Mangyan School para sa regular na pagsasagawa ng pagsasanay bilang preparasyon sa oras ng kalamidad katulad ng lindol at sunog. Layunin ng nasabing gawain ang tiyaking ligtas ang mga Mangyan sa oras ng kalamidad.
Hindi lamang para sa mga Tagalog at sunog ang mga Bumbero, para sa mga Mangyan at kawang-gawa rin.

Matagumpay na naisagawa ang Duck, Cover and Hold na ginagawa kasabay ng pagpapatunog ng senyales ng paglindol. Kasunod nito ang organisadong paglikas mula sa kanilang silid-aralan patungo sa ligtas na lugar.
Bukod sa pagsasanay, nagkaloob din ang mga Bumbero ng Naujan ng 4 na pirasong electric fan bilang tugon sa kahilingan ni Teacher-in-Charge Mrs. Precila C. Delin. Namigay rin sila ng mga pagkain at tsinelas para sa mahigit 160 mag-aaral mula sa pinagsamasamang donasyon ng iba’t ibang konsernadong personalidad.
Naging matagumpay ang nasabing gawain sa pangunguna ni SFO1 Marciano R Apostol kasama sina FO2 Lizel M Reyes, FO1 Rexcel C Ylagan, FO1 Anthony F Micua, FO1 Mark Anthony F Alferez at ilang miyembro ng TAU GAMMA PHI – Naujan Municipal Council na kinikilala bilang Fire Volunteers.
Todo-suporta naman ng lokal na pamahalan ng Naujan sa pamumuno ni Mayor Mark N. Marcos ang nasabing programa sa pamamagitan ng pagpapagamit ng Rescue vehicle na pinagkargahan ng mga donasyon at sinakyan ng mga kawani ng BFP at volunteers.
FO1 ANTHONY F MICUA

Water Lily sa Butas River MAPAGKAKAPERAHAN

Isa ang water lily sa problema ng mga mamamayan sa lakeside barangays ng Naujan. Gayundin sa mga barangay na dinaraanan ng Butas River. Dahil sa mabilis na pagdami ng water lily, naging sanhi ito ng pagbara ng mga kailogan at daluyan ng tubig sa kahabaan ng Butas River. Kaya’t naghanap ng alternatibong lunas ang Provincial Tourism Investment and Enterprise Development Office (PTIEDO) sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Bayan ng  Naujan sa pamamagitan ng mga tanggapan ng Turismo, Poverty Reduction at ng mga Sangguniang Barangay ng Naujan na nasasakupan ng nasabing ilog at lawa. Sila ay bumuo ng konsepto para sa ikalulutas ng nasabing problema.
Kahit walang pinag-aralan hindi mahihirapang matuto sa paggawa ng produktong yari sa water lily. Magandang kabuhayan ito para sa lahat.
Noong Agosto 29-31, 2013 isinagawa sa Bara-ngay Dao ang training and seminar para sa paggawa ng iba’t ibang produkto na yari sa water lily sa tulong ng Villar Foundation. Itinuro sa mga dumalo ang paggawa ng mga tsinelas, banig at fruit tray. Ito ay sinalihan ng mga taga Montelago, San Isidro, Concepcion, Antipolo at San Jose.
Naging matagumpay ang nasabing gawain na naghikayat sa mga tao na kumita at maging malikhain mula sa dating suliranin na water lily.
Ang nasabing proyekto ay nagkaroon ng booth para sa exhibit ng mga produkto sa ginanap na Agro-Trade Fair noong Pistang Bayan ng Setyembre 2013.
Nangako naman ang Villar Foundation na handa silang tumulong para sa patuloy na ikauunlad ng nasabing proyekto sa Naujan.
Naging matagumpay ang proyekto sa pama-magitan nina Orlando Tizon ng Provincial Tourism, Raquelita Umali, OIC-MPDC/Tourism Coordinator, Kon. Dan Melgar, Chairman ng Committee on Trade and Industry at Angel Navarro, Municipal Administrator Municipal Poverty Reduction Action Officer na siyang nagpupursiging maipatupad ang mga programa ni Mayor Mark Marcos na kagaya nito.
Nelson G. De Guzman

Petroleum dealers sa Naujan ilegal ang ilan

Malinaw na ilegal ang ilang retailers ng gasolina at dealer ng LPG sa Naujan. Ito ang kumpirmasyon na ibinigay ng Multi-sectoral Advocacy Campaign on Downstream oil Industry na isinagawa sa Calapan City noong Oktubre 8, 2013.

Hindi lamang nakabote ang ilang nagtitinda ng petrolyo, wala pang kaukulang permiso ang mga ito.

Gamit ang mga saligang batas kaugnay sa mga pa-ngangalakal at pg-iimbak ng produktong petrolyo, ilegal ang mga sumusunod:
Para sa krudo at gasolina
Bote-bote o de-container na krudo at gasolina
Walang business permit at iba pang kaukulang mga dokumento
Above the Ground Tanks (AGT)
Kulang sa 100 sq. m. na kinakailangang luwang ng pwesto
Para sa LPG
Ilegal na pagsasalin (refilling)
Ang mga tangke ng LPG ay pag-aari ng authorized refil-ling plants. Ipinahihiram ito sa mga konsumante sa pamamagitan ng authorized retail outlets na tumanggap rin nito mula sa mga authorized dealers. Kapag naubos na ang laman, ibinabalik ang mga ito sa planta upang mamintina at mapanatiling ligtas gamitin at malagyan ng eksaktong laman.
Naging ilegal ang pagsasalin kung hindi na nakakabalik ng planta ang nasabing mga tangke. Sa halip, napupunta ito sa mga negosyante na nagri-refill ng walang kaukulang permiso. Dahil mura, hindi mahalaga ang pagmintina ng tangke at laman nito. Hindi rin mahalaga ang uri at kaligtasan ng tangke, hanggang sa maabutan ang sinumang biktima ng pagsingaw at pagsabog ng tangke.
Ilegal na lalagyan (cylinder/container)
Ang ilegal na pagsasalin ay magdudulot ng ilegal na mga lalagyan at vice-versa. Bawal ang mga sumusunod:
Napakialaman (tampered) na lalagyan. Ito ay mga tangke na iba ang nakaukit sa nakapintang pa-ngalan. Kasama na rito ang nirepair na mga tangke.
Scrap o kalawangin ng tangke. Mapapansin ang kinakalawang na mga tangke sa ilalim nito.
Hindi sertipikadong yari na tangke. Kapag walang nakaukit na pangalan sa tangke, maaring hindi ito sertipikado. Delikado ang tangkeng basta na lamang ginawa.
Under-filled o kulang sa laman na tangke ay dahilan sa mga tangkeng may solidong mga residue sa loob dahil hindi na nalilinis. Kukuhanin ng bigat nito ang timbang ng LPG na binabayaran ng mga konsumante. Timbangin ang LPG upang malaman kung may problemang ganito.
Walang Timbangan
Puwedeng hanapan ng timbangan ang mga retailers para matingnan ang bigat ng binibiling LPG. Bago timbangin ang binibiling LPG, hanapin ang mga sumusunod:
Tare Weight (TW)    :Ito ang timbang ng tangke
Net Weight :Ito ang timbang ng LPG
Gross  Weight         :Kabuuang bigat ng tangkeng may laman, net weight plus TW.
Wala o peke ang selyo
Tingnan nang maigi ang selyo kung may tatak ng authorized refiller.
Ang ilegal na pangangalakal ay magreresulta sa pagkaloko, pagkalugi; at ang pinakamasaklap, aksidente.
Maaring iulat ang ilegal na gawain sa sumusunod:
Dir. Zenaida Y. Monsada
Assist. Director Rodela I. Romero
Department of Energy
Oil Industry Management Bureau
Energy Center, Merritt Road
(02)840-5669, 840-2130, 479-2900
Website: www.doe.gov.ph
ESL