Pages

Friday, April 23, 2010

PANITIKANG NAUJEÑO

Kapakanan ng Naujan

Ang bayan ng Naujan ay kaiga-igaya
Nandiyan ang mga tanawin sa tuwi-tuwina
Ang mga mamamayan ay nakikibaka
Sapagkat ang kalikasa’y pinagtatanggol nila.

Ang mga mamamaya’y naging responsibo
Sapagkat ang mga namumuno’y disiplinado
Susuungin ang bawat problema ng tao
Sapagkat ang Punumbayan ay laging suportado.

Mga panganib, trahedya, at aksidente
Nangyari at naramdaman ng mga Residente
Ang bawat pangangailangang ‘sinumite
Ay pinunan ng Sang guniang Bayan at Alkalde.

Bagong Naujan namayagpag ang katuwiran
Simula nang manungkulan ang bagong pamunuan
Nagkaroon ng matapat na Punumbayan
Noon hanggang ngayon nagpatuloy ang kaunlaran.
(Aneste U. Evangelista)

ARAW NG NAUJAN, MULING IPINAGDIWANG



Enero 3, 2010 ng binuksan ang idinaos na ika-105 Founding Anniversary ng bayan ng Naujan sa pamamagitan ng fireworks display na bumasag sa mapayapa at mabituing kalangitang matatanaw sa Liwasang Bonifacio.

Ang nasabing gawain na karaniwang isinasagawa tuwing ika-4 ng Enero taun-taon ay dinaluhan ng iba’t ibang sektor ng pamayanan ng bayan mula sa edukasyon, youth, senior citizen, opisyales ng barangay, kababaihan, atbp. bukod sa mga taga munisipyo.

Naging bahagi sa nasabing okasyon ang mga Naujeñong may malaking nai-ambag sa kaunlaran ng bayan tulad nina RGV at mga katangitanging anak ng Naujan na nakatanggap ng parangal sa nasabing okasyon. Ang huli ay kinabibilangan nina Ms. Jenelyn Baylon na kilala sa kanyang pagiging Most Outstanding Mobile Teacher sa buong bansa; si Gng. Celeste Frias na dating guro ay pangulo ng Hardin Inc. na nagtataguyod ng pangangalaga ng kapaligiran at nagmamay-ari ng Benilda sa Bancuro; si Gng. Susana Marasigan Bautista na siyang OIC Assistant Schools Division Superintendent ng DepEd Oriental Mindoro ay nagkamit ng Outstanding Grade 6 Teacher Award.Tampok rin ang paggawad ng parangal kay Mayor Romar Marcos na nagmula sa Bureau of Fire Protection para sa naging bahagi niya sa pagpapaangat ng kalidad ng mga pasilidad ng pamatay sunog sa bayan.



Binigyan kulay ang nasabing okasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad. Sa mga patimpalak ng apat na koponan na hinatihati ng MPDO, na buhat rin naman sa iba’t ibang sektor: blue, red, green and yellow teams,nangibabaw ang Green team sa PALARO NG LAHI, at sa Basketball ng mga bading naman ay ang Team Barcenaga; ang CULTURAL NIGHT: MARAMIHANG TINIG NG AWIT NG NAUJAN na dinaluhan ng mga koponang paaralan ng sekondarya: San Agustin National High School at Melgar National High School, at ng elementarya: F. Melgar Memorial Elementary School at Barcenaga Central Elementary School. Naging kampeon ang San Agustin National High School para sa sekondarya, at ang Barcenaga Central Elementary School sa elementarya. Layunin ng patimpalak, ayon kay Kon. Jun S. Bugarin na siyang tagapangulo ng komiteba, na magkaroon ng panibagong recording bilang batayan ng pag-awit ng Naujan Hymn sa iba’t ibang institusyon at upang maitama rin ang maling ginagamit na katagang “sisigla” tungo sa “babangon” na nakabatay sa ordinansa ng bayan.

Ang HISTORICAL QUIZ na pinangasiwaan naman ng komiteba ni Bb. Gina DC Patling ay naglalayong maitaguyod ang kaalaman ng mga Naujeño sa kasaysayan ng bayan. Nangunguna sa nasabing patimpalak ang mga koponang paaralan ng sekondarya: Naujan Academy bilang kampeon at Doroteo S. Mendoza Sr. Memorial National High School bilang runner-up; at ng elementarya: Naujan East District I-kampeon at Naujan West-runner-up.

Tampok rin ang GABI NG KASIYAHAN na pinamunuan ni Kon. Marion Marcos. Naging matagumpay ang nasabing gawain (kasama na ang Basketball ng mga Bading) sa pamamagitan ng pakikipagtulungan niya kila Cong. RGV, Sen. Villar, Gov. Panaligan, Cong. Umali, Mayor Aranas, Great Delos Reyes, Carlo Malabanan at Ginebra San Miguel upang makalikom ng pondo na nagkakahalaga ng 65,000.00 plus promotional goods. Layunin ng programa hindi lamang ang i-entertain ang mga Naujeño, kundi’y maging ang pagtuklas ng kanilang mga hiyas.

Ipinamalas din ng pamahalaang bayan na hindi lamang sa kasiyahan at patimpalak nakatuon ang pagdiriwang. Ang selebrasyon ay mayroon ding mga aktibidad sa serbisyo-publiko at kaunlaran. Sa TRADE FAIR/EXHIBIT ay nagpagalingan ang mga distrito ng iba’t ibang barangay sa bayan sa pamamagitan ng mga booth na may naka-display na iba’t ibang produktong karamihan ay agro-industrial; ang mga kawani ng Municipal Health Office kasama na ang medical team ng Philippine Army at mga boluntaryong doktor ay abala sa isinagawang MEDICAL and DENTAL MISSION. Naging abala naman ang Public Employment Services Office (PESO) sa ilalim ng pangangasiwa ni Louie Pesigan sa pagtala ng mga kababayang naghanap ng trabahong lokal at pang-abroad sa pamamagitan ng isinagawang Jobs Fair.

Bagaman at naging makulay at masaya ang pagdiriwang sa nasabing okasyon, nanatili pa ring palaisipan sa mga Naujeño ang tunay at ganap na araw ng pagkakatatag ng bayan ng Naujan.

Thursday, April 22, 2010

PANUNUNGKULANG LOKAL LOHIKA AT TAONG BAYAN

May bagyo man o wala, ang pagbaha sa mga barangay ng Naujan ay palagian nang pangyayari tuwing may malakas na ulan. Sa katunayan, simula taong 2006 (taon kung kailan itinayo ang Gabion dike upang “ibaling” ang natural na takbo ng ilog patungo sa Naujan hanggang sa kasalukuyan, ang pamahalaang bayan ng Naujan ay nakapagdeklara ng pitong (7) State of Calamity.

Hindi nagpabaya ang kasalukuyang punumbayan ng Naujan, Mayor Romar G. Marcos, sa nakakaalarmang sitwasyon ng pagbaha. Simula pa lang ng kanyang panunungkulan, inorganisa na niya ang Municipal Disaster Coordinating Council (MDCC) na naglalayong magpatupad ng kahandaan sa mga kalamidad at masusing pag-aralan ang mga dahilan ng kalamidad partikular na ang pagbaha. Kaya nga, isa sa mga rekomendasyon ng MDCC sa DPWH, partikular kay District Engineer Simplicio D. Gonzales ang masusingpag-aralan ang dahilan ng paulit-ulit na pagbaha sa maraming mga barangay ng Naujan. Subalit, nananatiling bingi ang kasalukuyang Pamahalaang Panlalawigan sa nasabing rekomendasyon.

Dahil dito, nagpadala ng ilang mungkahi si Mayor Marcos sa Pamahalaang Nasyunal ng Pilipinas kaugnay ng hindi matapos tapos na problema sa pagbaha sa bayan Naujan. Una, ang muling pagtatanim ng puno sa nakakalbong kagubatan ng Mt. Ibulo at Mt. Bato na ihinahain sa DENR; pangalawa, dredging at desilting o muling pagbubungkal at pagpapalalim ng mga ilog ng Mag-asawang Tubig, Bucayao, at Panggalaan para naman sa DPWH; at pangatlo, pagwasak sa Gabion dike mula sa kasalukuyang sukat na tatlong (3) metro patungo sa suhestyong dalawang (2) metrong taas upang paghati-hatian ang tubig-ulan na nanggagaling sa kabundukan patungo sa mga ilog ng Mag-asawang Tubig, Bucayao, at Panggalaan na gagampanan rin ng DPWH.

Hanggang sa kasalukuyan, libu-libong pamilya ang nawawalan ng maayos na tirahan. Milyun-milyon ang halaga ng napipinsala sa agrikultura, imprastraktura, kabuhayan, at marami pang iba. Simple lamang ang lohika. Kaunting pagbalik lamang noong mga taong wala pa ang naturang gabion at malalaman na natin ang sanhi ng pagbabaha. Hindi dapat magsakripisyo ang bayan ng Naujan para lamang sa ikagiginhawa at ikagagaling ng ibang bayan. Sabi nga ng Santo Papa Juan Paulo II, “ang buhay ay kailangang protektahan simula sa sinapupunan hanggang sa oras ng kanyang natural na kamatayan.”

Ang bayan ng Naujan ay nangangalaga sa kapakanan at kagalingan ng buhay ng taong bayan. Ang bayan ng Naujan ay hindi pumapayag kailanman na masakripisyo ang buhay at kabuhayan ng mga Naujeño para lamang sa kaalwanan ng ibang bayan. (Emmanuel C. De leon)